1 Nabalitaan nga ng mga apostol at ng mga kapatid na nangasa Judea na nagsitanggap din naman ang mga Gentil ng salita ng Dios. 2 At nang umahon si Pedro sa Jerusalem, ay nakipagtalo sa kaniya ang mga sa pagtutuli, 3 Na nagsisipagsabi, Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli, at kumain kang kasalo nila. 4 Datapuwa't si Pedro ay nagpasimula, at ang kadahilanan ay isinaysay sa kanilang sunodsunod na sinasabi, 5 Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppe: at sa kawalan ng diwa'y nakakita ako ng isang pangitain, na may isang sisidlang bumababa, na gaya ng isang malapad na kumot, na inihuhugos mula sa langit na nakabitin sa apat na sulok; at dumating hanggang sa akin: 6 At nang yao'y aking titigan, ay pinagwari ko, at aking nakita ang mga hayop na may apat na paa sa lupa at mga hayop na ganid at ang mga nagsisigapang at mga ibon sa langit. 7 At nakarinig din naman ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. 8 Datapuwa't sinabi ko, Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailan man ay walang anomang pumasok sa aking bibig na marumi o karumaldumal. 9 Nguni't sumagot na ikalawa ang tinig mula sa langit, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi. 10 At ito'y nangyaring makaitlo: at muling binatak ang lahat sa langit. 11 At narito, pagdaka'y nangagsitayo sa tapat ng bahay na aming kinaroroonan, ang tatlong lalake na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 At iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila, na huwag magtangi. At nagsisama naman sa akin itong anim na kapatid; at nagsipasok kami sa bahay ng lalaking yaon: 13 At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro; 14 Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo. 15 At nang ako'y magpasimulang magsalita, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, na gaya naman ng pagbaba sa atin nang una. 16 At naalaala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, Tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo. 17 Kung ibinigay nga sa kanila ng Dios ang gayon ding kaloob na gaya naman ng kaniyang ibinigay sa atin, nang tayo'y nagsisisampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino baga ako, na makahahadlang sa Dios? 18 At nang marinig nila ang mga bagay na ito, ay nagsitahimik sila, at niluwalhati ang Dios, na sinasabi, Kung gayo'y binigyan din naman ng Dios ang mga Gentil ng pagsisisi sa ikabubuhay.