1 At nang sila'y nangagsasalita pa sa bayan, ay nagsilapit sa kanila ang mga saserdote, at ang puno sa templo, at ang mga Saduceo, 2 Palibhasa'y totoong nangabagabag sapagka't tinuruan nila ang bayan, at ibinalita sa pangalan ni Jesus ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 3 At sila'y kanilang sinunggaban at kanilang ibinilanggo hanggang sa kinabukasan: sapagka't noon nga'y gabi na. 4 Datapuwa't marami sa nangakarinig ng salita ay nagsisampalataya; at ang bilang ng mga lalake ay umabot sa mga limang libo.
5 At nangyari nang kinabukasan, na nangagkatipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga eskriba; 6 At si Anas, na dakilang saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alejandro, at ang lahat ng kalipian ng dakilang saserdote. 7 At nang kanilang mailagay na sila sa gitna nila, ay sila'y tinanong, Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ginawa ninyo ito? 8 Nang magkagayo'y si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo, ay nagsabi sa kanila, Kayong mga pinuno sa bayan, at matatanda, 9 Kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat tungkol sa mabuting gawa na ginawa sa isang taong may-sakit, na kung sa anong paraan gumaling ito; 10 Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit. 11 Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok. 12 At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.
13 Nang makita nga nila ang katapangan ni Pedro at ni Juan, at pagkatalastas na sila'y mga taong walang pinagaralan at mga mangmang, ay nangagtaka sila; at nangapagkilala nila, na sila'y nangakasama ni Jesus. 14 At nang mangakita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila, ay wala silang maitutol. 15 Datapuwa't nang sila'y mangautusan na nilang magsilabas sa pulong, ay nangagsangusapan, 16 Na nangagsasabi, Anong gagawin natin sa mga taong ito? sapagka't tunay na ginawa sa pamamagitan nila ang himalang hayag sa lahat ng nangananahan sa Jerusalem; at hindi natin maikakaila. 17 Gayon ma'y upang huwag nang lalong kumalat sa bayan, atin silang balaan, na buhat ngayo'y huwag na silang mangagsalita pa sa sinomang tao sa pangalang ito. 18 At sila'y tinawag nila, at binalaan sila, na sa anomang paraan ay huwag silang magsipagsalita ni magsipagturo tungkol sa pangalan ni Jesus. 19 Datapuwa't si Pedro at si Juan ay nagsisagot at nagsipagsabi sa kanila, Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan: 20 Sapagka't hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig. 21 At sila, nang mapagbalaan na nila, ay pinakawalan, palibhasa'y hindi nangakasumpong ng anomang bagay upang sila'y kanilang mangaparusahan, dahil sa bayan; sapagka't niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Dios dahil sa bagay na ginawa. 22 Sapagka't may mahigit nang apat na pung taong gulang ang tao, na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.