11 At samantalang siya'y nakahawak kay Pedro at kay Juan, ay nagsitakbong samasama sa kanila ang buong bayan sa tinatawag na portiko ni Salomon na lubhang nanggigilalas. 12 At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo'y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya? 13 Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya'y pawalan. 14 Datapuwa't inyong pinakatanggihan ang Banal at ang Matuwid na Ito, at inyong hiningi na ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao, 15 At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay; mga saksi kami ng mga bagay na ito. 16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan ay pinalakas ng kaniyang pangalan ang taong ito, na inyong nakikita at nakikilala: oo, ang pananampalataya na sa pamamagitan niya'y nagkaloob sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.
17 At ngayon, mga kapatid, nalalaman ko na inyong ginawa yaon sa di pagkaalam, gaya ng ginawa rin naman ng inyong mga pinuno. 18 Datapuwa't ginanap ang mga bagay na ipinagpaunang ibinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng mga propeta, na ang kaniyang Cristo ay magbabata. 19 Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon; 20 At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus: 21 Na siya'y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una. 22 Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya. 23 At mangyayari, na ang bawa't kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan. 24 Oo at ang lahat ng mga propetang mula kay Samuel at ang mga nagsisunod, sa dami ng mga nagsipagsalita, sila naman ay nagsipagsaysay rin tungkol sa mga araw na ito. 25 Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipang ginawa ng Dios sa inyong mga magulang, na sinasabi kay Abraham, At sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa. 26 Sa inyo una-una, nang maitindig na ng Dios ang kaniyang Lingkod, ay sinugo niya upang kayo'y pagpalain, sa pagtalikod ng bawa't isa sa inyo sa inyong mga katampalasanan.