1 Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring Belsasar, ang isang pangitain ay napakita sa akin, sa aking si Daniel, pagkatapos noong napakita sa akin nang una. 2 At ako'y may nakita sa pangitain: nangyari nga, na nang aking makita, nasa Susan ako na palacio, na nasa lalawigan ng Elam; at ako'y may nakita sa pangitain, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai. 3 Nang magkagayo'y itiningin ko ang aking mga mata, at ako'y may nakita, at narito, tumayo sa harap ng ilog ang isang lalaking tupa na may dalawang sungay: at ang dalawang sungay ay mataas; nguni't ang isa'y lalong mataas kay sa isa, at ang lalong mataas ay tumaas na huli. 4 Aking nakita ang lalaking tupa na nanunudlong sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan; at walang hayop na makatayo sa harap niya, ni wala sinoman na makapagligtas mula sa kaniyang kamay; kundi kaniyang ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, at nagmalaking mainam.
5 At habang aking ginugunita, narito, isang kambing na lalake ay nagmula sa kalunuran sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumayad sa lupa: at ang lalaking kambing ay may nakagitaw na sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata. 6 At siya'y naparoon sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa harap ng ilog, at tinakbo niya siya sa kabangisan ng kaniyang kapangyarihan. 7 At aking nakitang siya'y lumapit sa lalaking tupa, at siya'y nakilos ng pagkagalit laban sa kaniya, at sinaktan ang tupa, at binali ang kaniyang dalawang sungay: at ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatayo sa harap niya; kundi kaniyang ibinuwal sa lupa, at kaniyang niyapakan siya; at walang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kaniyang kamay. 8 At ang lalaking kambing ay nagmalaking mainam: at nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali; at kahalili niyao'y lumitaw ang apat na marangal na sungay, sa dako ng apat na hangin ng langit.
9 At mula sa isa sa mga yaon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na dumakilang totoo, sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong maluwalhating lupain. 10 At lumaking mainam, hanggang sa hukbo sa langit; at ang ilan sa hukbo at sa mga bituin ay iniwaksi sa lupa, at mga niyapakan yaon. 11 Oo, nagmalaki, hanggang sa prinsipe ng hukbo; at inalis niya sa kaniya ang palaging handog na susunugin, at ang dako ng kaniyang santuario ay ibinagsak. 12 At ang hukbo ay nabigay sa kaniya na kasama ng palaging handog na susunugin dahil sa pagsalangsang; at kaniyang iniwaksi ang katotohanan sa lupa, at gumawa ng kaniyang maibigan at guminhawa. 13 Nang magkagayo'y narinig ko ang isang banal na nagsalita; at ibang banal ay nagsabi sa isang yaon na nagsalita, Hanggang kailan magtatagal ang pangitain tungkol sa palaging handog na susunugin, at ang pagsalangsang na sumisira, upang magbigay ng santuario at ng hukbo upang mayapakan ng paa? 14 At sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo'y malilinis ang santuario.