15 Tungkol sa aking si Daniel, ang aking kalooban ay namanglaw sa loob ng aking katawan, at binagabag ako ng mga pangitain ng aking ulo. 16 Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo, at itinanong ko sa kaniya ang katotohanan tungkol sa lahat na ito. Sa gayo'y kaniyang isinaysay sa akin, at ipinaaninaw niya sa akin ang kahulugan ng mga bagay. 17 Ang mga dakilang hayop na ito na apat, ay apat na hari, na magbabangon sa lupa. 18 Nguni't ang mga banal ng Kataastaasan ay magsisitanggap ng kaharian, at aariin ang kaharian magpakailan man, sa makatuwid baga'y magpakakailan-kailan man.
19 Nang magkagayo'y ninasa kong maalaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na hayop, na kaiba sa lahat ng yaon, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal, at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumalamuray, at niyuyurakan ng kaniyang mga paa ang nalabi; 20 At tungkol sa sangpung sungay na nangasa kaniyang ulo, at sa isa na sumibol, at sa harap niyao'y nabuwal ang tatlo, sa makatuwid baga'y yaong sungay na may mga mata, at bibig na nagsalita ng dakilang mga bagay, na ang anyo ay lalong dakila kay sa kaniyang mga kasama. 21 Ako'y tumingin, at ang sungay ding yaon ay nakipagdigma sa mga banal, at nanaig laban sa kanila; 22 Hanggang sa ang matanda sa mga araw ay dumating, at ang kahatulan ay ibinigay sa mga banal, ng Kataastaasan; at ang panaho'y dumating na inari ng mga banal ang kaharian.
23 Ganito ang sabi niya, Ang ikaapat na hayop ay magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa, na magiging kaiba sa lahat ng kaharian, at sasakmalin ang buong lupa, at yuyurakan, at pagluluraylurayin. 24 At tungkol sa sangpung sungay, mula sa kahariang ito ay sangpung hari ang babangon: at ang isa'y babangong kasunod nila; at siya'y magiging kaiba kay sa mga una, at kaniyang ibabagsak ay tatlong hari. 25 At siya'y magbabadya ng mga salita laban sa Kataastaasan, at lilipulin niya ang mga banal ng Kataastaasan; at kaniyang iisiping baguhin ang panahon at ang kautusan; at sila'y mangabibigay sa kaniyang kamay hanggang sa isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon. 26 Nguni't ang kahatulan ay matatatag, at kanilang aalisin ang kaniyang kapangyarihan, upang patayin at ibuwal hanggang sa wakas. 27 At ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit, mabibigay sa bayan ng mga banal ng Kataastaasan: ang kaniyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang lahat na kapangyarihan ay maglilingkod at tatalima sa kaniya.
28 Narito ang wakas ng bagay. Tungkol sa aking si Daniel, ay binabagabag akong mabuti ng aking mga pagiisip, at ang aking pagmumukha ay nabago: nguni't iningatan ko ang bagay sa aking puso.