1 At nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor ay nanaginip si Nabucodonosor ng mga panaginip; at ang kaniyang espiritu ay nabagabag, at siya'y napukaw sa pagkakatulog. 2 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari ang mga mahiko, at ang mga enkantador, at ang mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang saysayin sa hari ang kaniyang mga panaginip. Sa gayo'y nagsipasok sila at sila'y nagsiharap sa hari. 3 At sinabi ng hari sa kanila, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at ang aking Espiritu ay nabagabag upang maalaman ang panaginip. 4 Nang magkagayo'y nagsalita ang mga Caldeo sa hari sa wikang Siria, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man: saysayin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan. 5 Ang hari ay sumagot, at nagsabi sa mga Caldeo, Ang bagay ay nawala sa akin: kung di ninyo ipaliliwanag sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo'y pagpuputolputulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing dumihan. 6 Nguni't kung inyong ipaliwanag ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo'y magsisitanggap sa akin ng mga kaloob at mga kagantihan at dakilang karangalan: kaya't ipaliwanag ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon. 7 Sila'y nagsisagot na ikalawa, at nangagsabi, Saysayin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan. 8 Ang hari ay sumagot, at nagsabi. Tunay na talastas ko na ibig ninyong magdahilan, sapagka't inyong nalalaman na nawala sa akin ang bagay. 9 Nguni't kung di ninyo ipaliwanag sa akin ang panaginip, iisang kautusan lamang mayroon sa inyo; sapagka't kayo'y nangaghanda ng pagbubulaan at mga hamak na salita sa harap ko, hanggang sa ang panahon ay magbago: kaya't saysayin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko na inyong maipaliliwanag sa akin ang kahulugan niyaon. 10 Ang mga Caldeo ay nagsisagot sa harap ng hari, at nangagsabi, Walang tao sa ibabaw ng lupa na makapagpapaaninaw ng bagay ng hari, palibhasa'y walang hari, panginoon, o pinuno man, na nagtanong ng ganyang bagay sa kanino mang mahiko, enkantador, o Caldeo. 11 At isang mahirap na bagay ang inuusisa ng hari, at walang ibang makapagpapaaninaw sa harap ng hari, liban ang mga dios, na ang tahanan ay hindi kasama ng tao.
12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at totoong nagalab sa galit, at nagutos na lipulin ang lahat na pantas na tao sa Babilonia. 13 Sa gayo'y itinanyag ang pasiya, at ang mga pantas na tao ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kaniyang mga kasama upang patayin. 14 Nang magkagayo'y nagbalik ng sagot si Daniel na may payo at kabaitan kay Arioch na punong kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas na tao sa Babilonia; 15 Siya'y sumagot, at nagsabi kay Arioch na punong kawal ng hari, Bakit ang pasiya ay totoong madalian mula sa hari? Nang magkagayo'y ipinatalastas ni Arioch ang bagay kay Daniel. 16 At si Daniel ay pumasok, at humiling sa hari na takdaan siya ng panahon, at kaniyang ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.