God Reveals Nebuchadnezzar's Dream

Daniel 2

17 Nang magkagayo'y naparoon si Daniel sa kaniyang bahay, at ipinaalam ang bagay kay Ananias, kay Misael, at kay Azarias, na kaniyang mga kasama: 18 Upang sila'y magsipagnais ng kaawaan sa Dios ng langit tungkol sa lihim na ito; upang si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay hindi mangamatay na kasama ng ibang mga pantas na tao sa Babilonia. 19 Nang magkagayo'y nahayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Dios sa langit.

20 Si Daniel ay sumagot, at nagsabi, Purihin ang pangalan ng Dios magpakailan man: sapagka't ang karunungan at kapangyarihan ay kaniya. 21 At kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan; siya'y nagaalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa makakaalam ng unawa; 22 Siya'y naghahayag ng malalim at lihim na mga bagay; kaniyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay tumatahang kasama niya. 23 Pinasasalamatan kita, at pinupuri kita, Oh ikaw na Dios ng aking mga magulang, na siyang nagbigay sa akin ng karunungan at lakas, at nagpatalastas ngayon sa akin ng ninais namin sa iyo; sapagka't iyong ipinaalam sa amin ang bagay ng hari.

24 Kaya't pinasok ni Daniel si Arioch na siyang inihalal ng hari na lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; siya'y naparoon, at nagsabi sa kaniya ng ganito, Huwag mong lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; dalhin mo ako sa harap ng hari, at aking ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.

25 Nang magkagayo'y dinalang madali ni Arioch si Daniel sa harap ng hari, at nagsabing ganito sa kaniya, Ako'y nakasumpong ng isang lalake sa mga anak ng nangabihag sa Juda, na magpapaaninaw sa hari ng kahulugan. 26 Ang hari ay sumagot, at nagsabi kay Daniel, na ang pangalan ay Beltsasar, Maipaaaninaw mo baga sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon? 27 Si Daniel ay sumagot sa harap ng hari, at nagsabi, Ang lihim na itinatanong ng hari ay hindi maipaaaninaw sa hari kahit ng mga pantas na tao, ng mga enkantador, ng mga mahiko man, o ng mga manghuhula man. 28 Nguni't may isang Dios sa langit na naghahayag ng mga lihim, at siyang nagpapaaninaw sa haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip, at ang pangitain ng iyong ulo sa iyong higaan ay ang mga ito: 29 Tungkol sa iyo, Oh hari, ang iyong mga pagiisip ay dumating sa iyo sa iyong higaan, kung ano ang mangyayari sa panahong darating; at siya na naghahayag ng mga lihim ay ipinaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari. 30 Nguni't tungkol sa akin ang lihim na ito ay hindi nahayag sa akin ng dahil sa anomang karunungan na tinamo kong higit kay sa sinomang may buhay, kundi upang maipaaninaw sa hari ang kahulugan at upang iyong maalaman ang mga pagiisip ng iyong puso.

Next Book Next Book