16 Pagkatapos nga na aking maibigay ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, dumalangin ako sa Panginoon, na aking sinabi, 17 Ah Panginoong Dios! narito, iyong ginawa ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong malaking kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay; walang bagay na totoong napakahirap sa iyo: 18 Na ikaw ay nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libolibo, at iyong ginaganti ang kasamaan ng mga magulang sa sinapupunan ng kanilang mga anak pagkamatay nila; ang dakila, na makapangyarihang Dios, ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan. 19 Dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay dilat sa lahat ng mga lakad ng mga anak ng tao, upang bigyan ang bawa't isa ng ayon sa kaniyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kaniyang mga gawa, 20 Na naglagay ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, sa Israel at gayon din sa gitna ng ibang mga tao; at magtaglay ka ng pangalan, gaya sa araw na ito; 21 At iyong inilabas ang iyong bayang Israel sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, at ng malakas na kamay, at ng unat na kamay, at ng malaking kakilabutan, 22 At ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila, lupain na binubukalan ng gatas at pulot, 23 At sila'y pumasok, at kanilang inari; nguni't hindi dininig ang itong tinig, o lumakad man sa iyong kautusan; sila'y hindi nagsigawa ng anoman sa lahat na iyong iniutos sa kanila na gawin: kaya't iyong pinapangyari ang buong kasamaang ito sa kanila. 24 Narito, ang mga bunton, nagsisidating sa bayan upang sakupin; at ang bayan ay nabigay sa kamay ng mga taga Caldea na nagsisilaban doon, dahil sa tabak, at sa kagutom, at sa salot: at kung ano ang iyong sinalita ay nangyayari; at, narito, iyong nakikita. 25 At iyong sinabi sa akin, Oh Panginoong Dios, iyong bilhin ng salapi ang parang, at ikaw ay tumawag ng mga saksi; yamang ang bayan ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.
26 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi, 27 Narito, ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao; may anomang bagay baga na totoong mahirap sa akin? 28 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng mga Caldeo, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin, 29 At ang mga Caldeo, na nagsisilaban sa bayang ito, magsisiparito at susulsulan ang bayang ito, at susunugin, sangpu ng mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng kamangyan kay Baal, at pinagbuhusan ng mga inuming handog sa mga ibang dios, upang mungkahiin ako sa galit. 30 Sapagka't ang ginawa lamang ng mga anak ni Israel, at ng mga anak ni Juda ay ang masama sa aking paningin mula sa kanilang kabataan, sapagka't minungkahi lamang ako ng mga anak ni Israel sa galit ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon. 31 Sapagka't ang bayang ito ay naging kamungkahian sa aking galit at sa aking pagaalab ng loob mula sa araw na kanilang itinayo hanggang sa araw na ito; upang aking mailayo sa aking mukha. 32 Dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Juda, na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sila, ng kanilang mga hari, ng kanilang mga prinsipe, ng kanilang mga saserdote, at ng kanilang mga propeta, at ng mga tao ng Juda, at ng mga nananahan sa Jerusalem. 33 At kanilang tinalikdan ako, at hindi ako hinarap: bagaman aking tinuruan sila, na bumabangon ako ng maaga at tinuturuan ko sila, gayon ma'y hindi sila nangakinig na magsitanggap ng turo. 34 Kundi kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinawag sa aking pangalan, upang lapastanganin. 35 At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak na lalake at babae kay Moloch; na hindi ko iniutos sa kanila o nasok man sa aking pagiisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito; na pinapagkasala ang Juda.