1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon nang ikasangpung taon ni Sedechias na hari sa Juda na siyang ikalabing walong taon ni Nabucodonosor. 2 Nang panahon ngang yao'y ang hukbo ng hari sa Babilonia ay kumubkob sa Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakulong sa looban ng bantayan, na nasa bahay ng hari sa Juda. 3 Sapagka't kinulong siya ni Sedechias na hari sa Juda, na sinasabi, Bakit ka nanghuhula, at nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ibibigay ko ang bayang ito sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin: 4 At si Sedechias na hari sa Juda ay hindi makatatanan sa kamay ng mga Caldeo, kundi tunay na mabibigay sa kamay ng hari sa Babilonia, at makikipagusap sa kaniya ng bibig, at ang kaniyang mga mata ay titingin sa kaniyang mga mata; 5 At kaniyang dadalhin si Sedechias sa Babilonia, at siya'y doroon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon: bagaman kayo'y magsilaban sa mga Caldeo, hindi kayo magsisiginhawa?
6 At sinabi ni Jeremias, Ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin, na nagsasabi: 7 Narito, si Hanamel na anak ni Sallum na iyong amain ay paroroon sa iyo, na magsasabi, Bilhin mo ang parang ko na nasa Anathoth: sapagka't ang matuwid ng pagtubos ay ukol sa iyo upang bilhin. 8 Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking amain ay naparoon sa akin sa looban ng bantayan ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, Bilhin mo ang aking parang, isinasamo ko sa iyo, na nasa Anathoth, na nasa lupain ng Benjamin; sapagka't ang matuwid ng pagmamana ay ukol sa iyo, at ang pagtubos ay ukol sa iyo; bilhin mo para sa iyong sarili. Nang magkagayo'y nakilala ko na ito'y salita ng Panginoon.
9 At binili ko ang parang na nasa Anathoth kay Hanamel na anak ng aking amain, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi, na labing pitong siklong pilak. 10 At ako'y naglagda ng pangalan sa katibayan, at aking tinatakan, at tumawag ako ng mga saksi, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi sa timbangan. 11 Sa gayo'y kinuha ko ang katibayan ng pagkabili, ang natatatakan, yaong ayon sa kautusan at kaugalian, at ang bukas: 12 At ibinigay ko ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking amain, at sa harap ng mga saksi na naglagda ng pangalan sa katibayan ng pagkabili, sa harap ng lahat na Judio na nakaupo sa looban ng bantayan. 13 At ibinilin ko kay Baruch sa harap nila, na aking sinasabi, 14 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Iyong kunin ang mga katibayang ito, ang katibayang ito ng pagkabili, ang natatatakan, at gayon din itong katibayang bukas, at iyong isilid sa sisidlang lupa; upang tumagal ng maraming araw. 15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Mga bahay, at mga parang, at mga ubasan ay mangabibili pa uli sa lupaing ito.