1 Kayo'y magsipakinig sa akin, Oh mga pulo; at inyong pakinggan, ninyong mga bayan, sa malayo: tinawag ako ng Panginoon mula sa bahay-bata; mula sa bahay-bata ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan: 2 At kaniyang ginawa ang aking bibig na parang matalas na tabak; sa lilim ng kaniyang kamay ay ikinubli niya ako: at ginawa niya akong makinang na pana; sa kaniyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako: 3 At sinabi niya sa akin, Ikaw ay aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati. 4 Nguni't aking sinabi, Ako'y gumawang walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; gayon ma'y tunay na ang kahatulan sa akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa akin ay nasa aking Dios.
5 At ngayo'y sinasabi ng Panginoon na naganyo sa akin mula sa bahay-bata upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka't ako'y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;) 6 Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.
7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na kaniyang Banal, doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, sa lingkod ng mga pinuno, Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila'y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.