12 Inyong dinggin ako, Oh Jacob, at Israel na tinawag ko: Ako nga; ako ang una, ako rin ang huli. 13 Oo, ang aking kamay ay siyang naglagay ng patibayan ng lupa, at ang aking kanan ay siyang nagladlad ng langit: pagka ako'y tumatawag sa kanila, sila'y nagsisitayong magkakasama.
14 Kayo'y magpipisan, kayong lahat, at inyong dinggin; sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito? Siyang iniibig ng Panginoon ay kaniyang tutuparin ang kaniyang kaligayahan sa Babilonia, at bubuhatin niya ang kaniyang kamay sa mga Caldeo. 15 Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya; aking dinala siya; at kaniyang pagiginhawahin ang kaniyang lakad. 16 Kayo'y magsilapit sa akin, inyong dinggin ito; mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim; mula nang panahon na nangyari ito, nandoon nga ako: at ngayo'y sinugo ako ng Panginoong Dios, at nang kaniyang Espiritu.
17 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng inyong Manunubos, ng Banal ng Israel, Ako ang Panginoon mong Dios, na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat na lakaran. 18 Oh kung dininig mo ang aking mga utos! ang iyo ngang kapayapaan ay naging parang ilog, at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat: 19 Ang iyo namang lahi ay naging parang buhangin at ang suwi ng iyong tiyan ay parang mga butil niyaon: ang kaniyang pangalan ay hindi mahihiwalay o magigiba man sa harap ko.
20 Kayo'y magsilabas sa Babilonia, inyong takasan ang mga Caldeo; kayo'y mangagpahayag na may tinig ng awitan, inyong saysayin ito, itanyag ninyo hanggang sa wakas ng lupa: inyong sabihin, Tinubos ng Panginoon ang Jacob na kaniyang lingkod. 21 At sila'y hindi nangauhaw nang pinapatnubayan niya sila sa mga ilang; kaniyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila; kaniyang ginuwangan din naman ang bato, at ang tubig ay bumukal.
22 Walang kapayapaan sa masama, sabi ng Panginoon.