10 Anim na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyaon: 11 Datapuwa't sa ikapitong taon ay iyong iiwan at babayaan, upang kumain ang dukha sa iyong bayan: at ang kanilang iwan ay kakanin ng hayop sa bukid. Gayon din ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong olibohan.
12 Anim na araw, na iyong gagawin ang iyong gawain, at sa ikapitong araw, ay magpapahinga ka: upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga; at ang anak na lalake ng iyong aliping babae, at ang taga ibang lupa ay makapagpahinga.
13 At lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo ay inyong ingatan: at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang dios, o marinig man sa inyong bibig.
14 Makaitlong magdidiwang ka ng pista sa akin, sa bawa't taon. 15 Ang pista ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipagdidiwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib (sapagka't niyaon ka umalis sa Egipto); at walang lalapit sa harap ko na walang dala: 16 At ang pista ng pagaani ng mga unang bunga ng iyong kapagalan, na iyong inihasik sa bukid: at ang pista ng pagaani, sa katapusan ng taon, nang pagaani mo ng iyong kapagalan sa bukid. 17 Makaitlo sa bawa't taon na ang lahat na iyong mga lalake ay haharap sa Panginoong Dios.
18 Huwag mong ihahandog ang dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o iiwan mo man ang taba ng aking pista sa buong magdamag hanggang sa kinaumagahan.
19 Ang mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong ipapasok sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.