1 At nang makita ng bayan na nagluluwat si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagpipisan ang bayan kay Aaron, at nagsabi sa kaniya, Tumindig ka at igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin; sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto, ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya. 2 At sinabi ni Aaron sa kanila, Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto, na nasa tainga ng inyo-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalake, at babae, at dalhin ninyo sa akin. 3 At inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nangasa kanilang mga tainga, at dinala kay Aaron. 4 At kaniyang tinanggap sa kanilang kamay, at niyari sa pamamagitan ng isang buril, at ginawang isang guyang binubo, at kanilang sinabi, Ang mga ito ang maging iyong mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto. 5 At nang makita ito ni Aaron, ay nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyaon: at itinanyag ni Aaron at sinabi, Bukas ay pista sa Panginoon. 6 At sila'y bumangong maaga nang kinabukasan, at naghandog ng mga handog na susunugin, at nagdala ng mga handog tungkol sa kapayapaan; at ang bayan ay umupong kumain at uminom, at tumindig upang magkatuwa.
7 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Yumaon ka, bumaba ka, sapagka't ang iyong bayan, na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto ay nangagsisama: 8 Sila'y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila: sila'y gumawa ng isang guyang binubo, at kanilang sinamba, at kanilang hinainan, at kanilang sinabi, Ang mga ito'y iyong maging mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto. 9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang may matigas na ulo; 10 Ngayo'y bayaan mo nga ako upang ang aking pagiinit ay magalab laban sa kanila, at upang aking lipulin sila: at ikaw ay aking gagawing dakilang bansa.
11 At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay? 12 Bakit sasalitain ng mga Egipcio, na sasabihin, Dahil sa kasamaan, inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila sa balat ng lupa? Iurong mo ang iyong mabangis na pagiinit, at pagsisihan mo ang kasamaang ito laban sa iyong bayan. 13 Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod, na silang iyong mga sinumpaan sa iyong sarili, at mga pinagsabihan, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking sinalita ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin magpakailan man. 14 At pinagsisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kaniyang bayan.
15 At si Moises ay pumihit, at bumaba sa bundok, na dala ang dalawang tapyas ng patotoo sa kaniyang kamay; mga tapyas na may sulat sa dalawang mukha niyaon; sa isang mukha at sa kabilang mukha ay may sulat. 16 At ang mga tapyas ay gawa ng Dios, at ang sulat ay sulat ng Dios, na nakaukit sa mga tapyas. 17 At ng marinig ni Josue ang ingay ng bayan na humihiyaw, ay sinabi kay Moises, May ingay ng pagbabaka sa kampamento. 18 At kaniyang sinabi, Hindi ingay ng pagtatagumpay, o ingay man ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig. 19 At nangyari paglapit niya sa kampamento, na kaniyang nakita ang guya at ang sayawan; at ang galit ni Moises ay naginit at kaniyang inihagis ang mga tapyas na nasa kaniyang mga kamay at nangasira sa paanan ng bundok. 20 At kaniyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, at sinunog ng apoy, at giniling hanggang sa naging alabok, at isinaboy sa ibabaw ng tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.
21 At sinabi ni Moises kay Aaron, Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking sala? 22 At sinabi ni Aaron, Huwag maginit ang galit ng aking panginoon: iyong kilala ang bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan. 23 Sapagka't kanilang sinabi sa akin, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya. 24 At aking sinabi sa kanila, Sinomang may ginto, ay magalis; na anopa't kanilang ibinigay sa akin: at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito.
25 At nang makita ni Moises na ang bayan ay nakakawala; sapagka't pinabayaan ni Aarong makawala ng maging isang kabiruan sa gitna ng kanilang mga kaaway: 26 Ay tumayo nga si Moises sa pintuang-daan ng kampamento, at nagsabi, Sinomang sa Panginoon ang kiling ay lumapit sa akin. At lahat ng mga anak ni Levi ay nagpipisan sa kaniya. 27 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Ipatong ng bawa't lalake ang kaniyang tabak sa kaniyang hita, at yumaon kayong paroo't parito sa mga pintuang-daan, sa buong kampamento, at patayin ng bawa't lalake ang kaniyang kapatid na lalake, at ng bawa't lalake ang kaniyang kasama, at ng bawa't lalake ang kaniyang kapuwa. 28 At ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises: at nabuwal sa bayan ng araw na yaon, ang may tatlong libong katao. 29 At sinabi ni Moises, Italaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa Panginoon, oo, bawa't lalake laban sa kaniyang anak na lalake, at laban sa kaniyang kapatid na lalake, upang kaniyang ipagkaloob sa inyo ang pagpapala sa araw na ito.
30 At nangyari ng kinabukasan, na sinabi ni Moises sa bayan, Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan: at ngayo'y sasampahin ko ang Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan. 31 At bumalik si Moises sa Panginoon, at nagsabi, Oh, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan, at gumawa sila ng mga dios na ginto. 32 Gayon ma'y ngayon, kung iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan; at kung hindi, ay alisin mo ako, isinasamo ko sa iyo, sa iyong aklat na sinulat mo. 33 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang magkasala laban sa akin ay siya kong aalisin sa aking aklat. 34 At ngayo'y yumaon ka, iyong patnubayan ang bayan sa dakong aking sinalita sa iyo: narito, ang aking anghel ay magpapauna sa iyo: gayon ma'y sa araw na aking dalawin sila ay aking dadalawin ang kanilang kasalanang ipinagkasala nila.
35 At sinaktan nga ng Panginoon ang bayan, sapagka't kanilang ginawa ang guya na ginawa ni Aaron.