1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dinakila ng haring Assuero si Aman na anak ni Amedatha na Agageo, at pinataas siya, at inilagay ang kaniyang upuan na mataas kay sa lahat na prinsipe na kasama niya. 2 At lahat ng mga lingkod ng hari na nangasa pintuang-daan ng hari, ay nagsiyukod at nagsigalang kay Aman; sapagka't iniutos na gayon ng hari tungkol sa kaniya. Nguni't si Mardocheo ay hindi yumukod, o gumalang man sa kaniya. 3 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nangasa pintuang-daan ng hari kay Mardocheo: Bakit mo sinasalangsang ang utos ng hari? 4 Nangyari nga, nang sila'y mangagsalita araw-araw sa kaniya, at hindi niya dinggin sila, na kanilang sinaysay kay Aman, upang makita kung mangyayari ang bagay ni Mardocheo: sapagka't sinaysay niya sa kanila na siya'y Judio. 5 At nang makita ni Aman na si Mardocheo ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kaniya, napuspos nga ng pagkapoot si Aman. 6 Nguni't inakala niyang walang kabuluhan na pagbuhatan ng kamay si Mardocheo na magisa; sapagka't ipinakilala nila sa kaniya ang bayan ni Mardocheo: kaya't inisip ni Aman na lipulin ang lahat na Judio na nangasa buong kaharian ni Assuero, sa makatuwid baga'y ang bayan ni Mardocheo.
7 Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabing dalawang taon ng haring Assuero, kanilang pinagsapalaran nga ang Pur sa harap ni Aman sa araw-araw, at sa buwan-buwan, hanggang sa ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng Adar. 8 At sinabi ni Aman sa haring Assuero, May isang bayang nakakalat at nakasabog sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian at ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawa't bayan; na hindi man lamang iniingatan nila ang mga kautusan ng hari; kaya't hindi mapakinabang sa hari na sila'y tiisin. 9 Kung kalugdan ng hari, masulat na sila'y lipulin: at ako'y magbabayad ng sangpung libong talentong pilak sa mga kamay niyaong mga may katungkulan sa mga gawain ng hari, upang dalhin sa mga ingatang-yaman ng hari. 10 Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang kaniyang singsing sa kaniyang kamay, at ibinigay kay Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na kaaway ng mga Judio. 11 At sinabi ng hari kay Aman, Ang pilak ay nabigay sa iyo at gayon din ang bayan upang gawin mo sa mga yaon kung ano ang inaakala mong mabuti.
12 Nang magkagayo'y tinawag ang mga kalihim ng hari sa unang buwan, nang ikalabing tatlong araw niyaon; at nangasulat ayon sa lahat na iniutos ni Aman sa mga satrapa ng hari, at sa mga tagapamahala na nangasa bawa't lalawigan, at sa mga prinsipe ng bawa't bayan, sa bawa't lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa't bayan ayon sa kanilang wika; sa pangalan ng haring Assuero nasulat, at tinatakan ng singsing ng hari. 13 At nagpadala ng mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin ang lahat na Judio, ang bata at gayon din ang matanda, ang mga bata at ang mga babae sa isang araw, sa makatuwid baga'y sa ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli. 14 Isang salin ng sulat ay ibigay sa bawa't lalawigan upang ang pasiya ay mahayag sa lahat na bayan, na sila'y magsihanda sa araw na yaon. 15 Ang mga sugo ay nagsilabas na madalian sa utos ng hari, at ang pasiya ay natanyag sa Susan na bahay-hari. At ang hari at si Aman ay naupo upang uminom; nguni't ang bayan ng Susan ay natitigilan.