1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ngayo'y iyong makikita kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagka't sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila, at sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay palalayasin niya sila sa kaniyang lupain.
2 At ang Dios ay nagsalita kay Moises, at nagsabi sa kaniya, Ako'y si Jehova. 3 At ako'y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob na Dios na Makapangyarihan sa lahat; nguni't sa pamamagitan ng aking pangalang Jehova, noon ay hindi ako napakilala sa kanila. 4 At akin ding pinapagtibay ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain ng kanilang pakikipamayan, na kanilang pinakipamayanan. 5 At bukod dito'y aking narinig ang hibik ng mga anak ni Israel na mga binibinbin ng mga Egipcio sa pagkaalipin; at aking naalaala ang aking tipan. 6 Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako'y si Jehova at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may unat na kamay at may mga dakilang kahatulan: 7 At kayo'y aking aariin na pinakabayan ko at ako'y magiging sa inyo'y Dios, at inyong makikilala na ako'y si Jehova ninyong Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio. 8 At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na aking ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako'y si Jehova. 9 At sinalitang gayon ni Moises sa mga anak ni Israel; datapuwa't hindi sila nakinig kay Moises, dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin.
10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 11 Pumasok ka, salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, na kaniyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel. 12 At si Moises ay nagsalita sa harap ng Panginoon, na sinasabi, Narito ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin, na ako'y may mga labing di tuli? 13 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila hinggil sa mga anak ni Israel, at kay Faraon, na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto.