13 Nang magkagayo'y si Tatnai na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, si Sethar-boznai, at ang kanilang mga kasama, dahil sa iniutos ni Dario na hari, ay gumawa ng buong sikap. 14 At ang mga matanda ng mga Judio ay nangagtayo at nangapasulong, ayon sa hula ni Haggeo na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. At kanilang itinayo at niyari, ayon sa utos ng Dios ng Israel, at ayon sa pasiya ni Ciro at ni Dario, at ni Artajerjes na hari sa Persia. 15 At ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario na hari.
16 At ang mga anak ni Israel, ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang mga nalabi sa mga anak sa pagkabihag, ay nangagdiwang ng pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios na may kagalakan. 17 At sila'y nangaghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios ng isang daang baka, dalawang daang lalaking tupa, apat na raang kordero; at ang pinakahandog dahil sa kasalanan na ukol sa buong Israel, ay labing dalawang lalaking kambing, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel. 18 At kanilang inilagay ang mga saserdote sa kanilang mga bahagi, at ang mga Levita sa kanilang mga paghahalihalili, sa paglilingkod sa Dios na nasa Jerusalem; gaya ng nasusulat sa aklat ni Moises.