6 Ang salin ng sulat na ipinadala ni Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog at ni Sethar-boznai, at ng kaniyang mga kasama na mga Apharsachita, na nangasa dako roon ng Ilog, kay Dario na hari: 7 Sila'y nangagpadala ng isang sulat sa kaniya, na kinasusulatan ng ganito: Kay Dario na hari, buong kapayapaan. 8 Talastasin ng hari, na kami ay nagsiparoon sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Dios, na natayo ng mga malaking bato, at mga kahoy ay nalapat sa mga kuta; at ang gawaing ito ay pinagsisikapan at nayayari sa kanilang mga kamay. 9 Nang magkagayo'y tumanong kami sa mga matandang yaon, at nagsabi sa kanila ng ganito: Sino ang nagbigay sa inyo ng pasiya upang itayo ang bahay na ito at upang yariin ang kutang ito? 10 Aming itinanong naman sa kanila ang kanilang mga pangalan, na patotohanan sa iyo, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangungulo sa kanila. 11 At ganito sila nangagbalik ng sagot sa amin, na nangagsasabi, Kami ay mga lingkod ng Dios ng langit at lupa, at nangagtatayo ng bahay na natayo nitong malaong panahon, na itinayo at niyari ng isang dakilang hari sa Israel. 12 Nguni't pagkamungkahi sa pagiinit sa Dios ng langit ng aming mga magulang, ibinigay niya sila sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang bayan sa Babilonia. 13 Nguni't sa unang taon ni Ciro na hari sa Babilonia, gumawa ng pasiya si Ciro na hari na itayo ang bahay na ito ng Dios, 14 At ang ginto at pilak na mga sisidlan rin naman sa bahay ng Dios na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa loob ng templo ng Babilonia, ang mga yaon ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Ciro na hari, at ibinigay sa isang nagngangalang Sesbassar, na siya niyang ginawang tagapamahala, 15 At sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang mga sisidlang ito, ikaw ay yumaon, ipagpasok mo sa templo na nasa Jerusalem, at ipahintulot mo na matayo ang bahay ng Dios sa kaniyang dako. 16 Nang magkagayo'y naparoon ang Sesbassar na yaon, at inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem: at mula sa panahong yaon hanggang ngayon ay itinatayo, at hindi pa yari. 17 Ngayon nga, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa ng pagsaliksik sa bahay na ingatang-yaman ng hari, na nandiyan sa Babilonia, kung gayon nga, na nagpasiya si Ciro na hari na itayo ang bahay na ito ng Dios sa Jerusalem, at ipasabi sa amin ng hari ang kaniyang kalooban tungkol sa bagay na ito.