20 Nang magkagayo'y si Ezechias na hari ay bumangong maaga, at pinisan ang mga prinsipe ng bayan, at sumampa sa bahay ng Panginoon. 21 At sila'y nagsipagdala ng pitong baka, at pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalake, na pinakahandog dahil sa kasalanan sa ikagagaling ng kaharian, at ng santuario, at ng Juda. At siya'y nagutos sa mga saserdote na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga yaon sa dambana ng Panginoon. 22 Sa gayo'y kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga saserdote ang dugo, at iniwisik sa dambana: at kanilang pinatay ang mga tupa, at iwinisik ang dugo sa ibabaw ng dambana: pinatay rin nila ang mga kordero, at iniwisik ang dugo sa ibabaw ng dambana. 23 At kanilang inilapit ang mga kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan sa harap ng hari at ng kapisanan; at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon: 24 At mga pinatay ng mga saserdote, at sila'y nagsigawa ng isang handog dahil sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga yaon sa ibabaw ng dambana, upang itubos sa buong Israel: sapagka't iniutos ng hari na ang handog na susunugin at ang handog dahil sa kasalanan ay gagawin para sa buong Israel.
25 At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, ayon sa utos ni David, at ni Gad na tagakita ng hari, at ni Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta. 26 At ang mga Levita ay nagsitayo na may mga panugtog ni David, at ang mga saserdote na may mga pakakak. 27 At si Ezechias ay nagutos na maghandog ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. At nang ang handog na susunugin ay pasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan naman, at ang mga pakakak, pati ang mga panugtog ni David na hari sa Israel. 28 At ang buong kapisanan ay sumamba, at ang mga mangaawit ay nagsiawit, at ang mga manghihihip ng pakakak ay nangagpatunog; lahat ng ito ay ipinagpatuloy hanggang sa ang handog na susunugin ay natapos. 29 At nang sila'y makatapos ng paghahandog ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba. 30 Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.
31 Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin. 32 At ang bilang ng mga handog na susunugin na dinala ng kapisanan, pitongpung baka, isang daang tupang lalake, dalawang daang kordero: lahat ng mga ito ay pinakahandog na susunugin sa Panginoon. 33 At ang mga bagay na itinalaga ay anim na raang baka at tatlong libong tupa. 34 Nguni't ang mga saserdote ay naging kakaunti, na anopa't hindi nila malapnusan ang lahat na handog na susunugin kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa nangagpakabanal ang mga saserdote; sapagka't ang mga Levita ay matuwid ang puso na mangagpakabanal na higit kay sa mga saserdote. 35 At ang mga handog na susunugin naman ay sagana, pati ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at pati ang mga handog na inumin na ukol sa bawa't handog na susunugin. Sa gayo'y ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay naayos. 36 At si Ezechias ay nagalak, at ang buong bayan, dahil sa inihanda ng Dios ang bayan: sapagka't ang bagay ay biglang nagawa.