22 At sa panahon ng kaniyang kagipitan ay lalo pa manding sumalangsang siya laban sa Panginoon, ang hari ring ito na si Achaz. 23 Sapagka't siya'y naghain sa mga dios ng Damasco, na sumakit sa kaniya: at sinabi niya, Sapagka't tinulungan sila ng mga dios ng mga hari sa Siria, kaya't ako'y maghahain sa kanila, upang tulungan nila ako. Nguni't sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel. 24 At pinisan ni Achaz ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at pinagputolputol ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon; at siya'y gumawa sa kaniya ng mga dambana sa bawa't sulok ng Jerusalem. 25 At sa bawa't iba't ibang bayan ng Juda ay gumawa siya ng mga mataas na dako upang pagsunugan ng kamangyan sa mga ibang dios, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang. 26 Ang iba nga sa kaniyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel. 27 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan, sa Jerusalem; sapagka't hindi nila dinala siya sa mga libingan ng mga hari sa Israel: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.