16 Nguni't nang siya'y lumakas, ang kaniyang puso ay nagmataas, na anopa't siya'y gumawa ng kapahamakan, at siya'y sumalangsang laban sa Panginoon niyang Dios; sapagka't siya'y pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng kamangyan sa ibabaw ng dambana ng kamangyan. 17 At si Azarias na saserdote ay pumasok pagkatapos niya, at kasama niya'y walong pung saserdote ng Panginoon, na mga matapang na lalake: 18 At kanilang hinadlangan si Uzzias na hari, at nagsipagsabi sa kaniya, Hindi nauukol sa iyo, Uzzias, na magsunog ng kamangyan sa Panginoon, kundi sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga na magsunog ng kamangyan; lumabas ka sa santuario; sapagka't ikaw ay sumalangsang; ni di magiging karangalan sa iyo sa ganang Panginoong Dios. 19 Nang magkagayo'y si Uzzias ay naginit; at siya'y may suuban sa kaniyang kamay upang magsunog ng kamangyan; at habang siya'y nagiinit sa mga saserdote, ang ketong ay lumabas sa kaniyang noo sa harap ng mga saserdote sa bahay ng Panginoon, sa siping ng dambana ng kamangyan, 20 At si Azarias na punong saserdote, at ang lahat ng mga saserdote, ay nagsitingin sa kaniya, at narito, siya'y may ketong sa kaniyang noo, at kanilang itinulak siya na madalian mula roon; oo, siya nama'y nagmadaling lumabas sapagka't sinaktan siya ng Panginoon. 21 At si Uzzias na hari ay nagkaketong hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumahan sa bahay na bukod dahil sa may ketong: sapagka't siya'y nahiwalay sa bahay ng Panginoon; at si Joatham na kaniyang anak ay katiwala ng bahay ng hari, na humahatol sa bayan ng lupain.
22 Ang iba nga sa mga gawa ni Uzzias, na una at huli, isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos. 23 Sa gayo'y natulog si Uzzias na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagka't kanilang sinabi, Siya'y may ketong: at si Joatham na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.