5 Bukod dito'y pinisan ni Amasias ang Juda, at iniutos sa kanila ang ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa kapangyarihan ng mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng mga pinunong kawal ng dadaanin, sa makatuwid baga'y ang buong Juda at Benjamin: at kaniyang binilang sila mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, at nasumpungan niya silang tatlong daang libong piling lalake, na makalalabas sa pakikipagdigma, na makahahawak ng sibat at kalasag. 6 Siya'y umupa rin naman ng isang daang libong makapangyarihang lalake na matatapang na mula sa Israel sa halagang isang daang talentong pilak. 7 Nguni't naparoon ang isang lalake ng Dios sa kaniya, na nagsasabi, Oh hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagka't ang Panginoon ay hindi sumasa Israel, sa makatuwid baga'y sa lahat ng mga anak ni Ephraim. 8 Nguni't kung ikaw ay yayaon, gumawa kang may katapangan, magpakalakas ka sa pakikipagbaka: ibubuwal ka ng Dios sa harap ng kaaway: sapagka't ang Dios ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal. 9 At sinabi ni Amasias sa lalake ng Dios, Nguni't anong aming gagawin sa isang daang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel? At ang lalake ng Dios ay sumagot: Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo ng mahigit kay sa rito. 10 Nang magkagayo'y inihiwalay sila ni Amasias, sa makatuwid baga'y ang hukbo na paparoon sa kaniya na mula sa Ephraim, upang umuwi uli: kaya't ang kanilang galit ay totoong nagalab laban sa Juda, at sila'y nagsiuwi na may malaking galit. 11 At si Amasias ay tumapang, at inilabas ang kaniyang bayan, at naparoon sa Libis ng Asin, at sumakit sa mga anak ni Scir ng sangpung libo. 12 At sangpung libo ang dinala ng mga anak ni Juda na buhay, at dinala sila sa taluktok ng burol at inihagis sila mula sa taluktok ng burol na anopa't silang lahat ay nagkawaraywaray. 13 Nguni't ang mga lalake ng hukbo na ipinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag magsisunod sa kaniya sa pakikipagbaka, ay nagsidaluhong sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at nanakit sa kanila ng tatlong libo, at nagsikuha ng maraming samsam.