13 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto, 14 Bukod doon sa dinala ng mga manglalako at mga mangangalakal; at ang lahat na hari sa Arabia at ang mga tagapamahala sa lupain ay nagsipagdala ng ginto at pilak kay Salomon. 15 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklo na pinukpok na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag. 16 At siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na pinukpok na ginto; tatlong daang siklo na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at inilagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano. 17 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng taganas na ginto. 18 At may anim na baytang sa luklukan, at isang gintong tungtungan, na mga nakakapit sa luklukan, at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay. 19 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian. 20 At ang lahat na sisidlang inuman ni Salomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto; ang pilak ay hindi mahalaga sa mga kaarawan ni Salomon. 21 Sapagka't ang hari ay may mga sasakyan na nagsisiparoon sa Tharsis na kasama ng mga bataan ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat ng Tharsis, na nagsisipagdala ng ginto, at pilak, garing, at mga ungoy, at mga pabo real.
22 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humihigit sa lahat ng hari sa lupa, sa kayamanan at sa karunungan. 23 At hinanap ng lahat na hari sa lupa ang harapan ni Salomon, upang magsipakinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso. 24 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, isang takdang kayamanan sa taon-taon. 25 At si Salomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang mga inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem. 26 At siya'y nagpuno sa lahat ng mga hari mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at sa hangganan ng Egipto. 27 At ginawa ng hari na maging parang mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro ay ginawa niyang maging parang mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa, dahil sa kasaganaan. 28 At sila'y nagsipagdala ng mga kabayo kay Salomon mula sa Egipto, at mula sa lahat ng mga lupain.