10 Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nahahanay laban sa kaniya sa harapan at sa likuran, pinili niya yaong mga piling lalake ng Israel, at inihanay laban sa mga taga Siria. 11 At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ipinamahala sa kapangyarihan ng kaniyang kapatid na si Abisai, at sila'y nagsihanay laban sa mga anak ni Ammon. 12 At sinabi niya, Kung ang mga taga Siria ay manaig sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni't kung ang mga anak ni Ammon ay manaig sa iyo, akin ngang tutulungan ka. 13 Magpakatapang kang mabuti, at tayo'y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti. 14 Sa gayo'y si Joab at ang bayan na nasa kaniya ay nagsilapit sa harap ng mga taga Siria sa pakikipagbaka; at sila'y nagsitakas sa harap niya. 15 At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila ma'y nagsitakas sa harap ni Abisai na kaniyang kapatid, at nagsipasok sa bayan. Nang magkagayo'y si Joab ay naparoon sa Jerusalem.
16 At nang makita ng mga taga Siria na sila'y nalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila'y nagsipagsugo ng mga sugo, at dinala ang mga taga Siria na nandoon sa dako roon ng Ilog, na kasama ni Sophach na punong kawal ng hukbo ni Adarezer sa kanilang unahan. 17 At nasaysay kay David; at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa kanila, at humanay laban sa kanila. Sa gayo'y nang humanay sa pakikipagbaka si David laban sa mga taga Siria, sila'y nangakipaglaban sa kaniya. 18 At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at si David ay pumatay sa mga taga Siria ng mga tao sa pitong libong karo, at apat na pung libong naglalakad, at pinatay si Sophach na pinunong kawal ng hukbo. 19 At nang makita ng mga lingkod ni Adarezer na sila'y nangalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at nangaglingkod sa kaniya: ni hindi na tumulong pa ang mga taga Siria sa mga anak ni Ammon.