1 At nangyari, pagkatapos nito, na si Naas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. 2 At sinabi ni David, Ako'y magpapakita ng kagandahang loob kay Hanan na anak ni Naas, sapagka't ang kaniyang ama ay nagpakita ng kagandahang loob sa akin. Sa gayo'y nagsugo si David ng mga sugo upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At ang mga lingkod ni David ay naparoon sa lupain ng mga anak ni Ammon kay Hanan, upang aliwin siya. 3 Nguni't sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanan: Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, na siya'y nagsugo ng mga mangaaliw sa iyo? hindi ba ang kaniyang mga lingkod ay nagsiparito sa iyo upang kilalanin, at upang gibain, at upang tiktikan ang lupain? 4 Sa gayo'y sinunggaban ni Hanan ang mga lingkod ni David, at inahitan, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinayaon. 5 Nang magkagayo'y may nagsiparoong ilan at nagsipagsaysay kay David kung paanong dinuwahagi ang mga lalake. At kaniyang sinugong salubungin sila; sapagka't ang mga lalake ay nangapahiyang mainam. At sinabi ng hari, Kayo'y magsipaghintay sa Jerico hanggang sa ang inyong balbas ay tumubo, at kung magkagayo'y magsibalik kayo.
6 At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, si Hanan at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak, upang mangupahan sila ng mga karo at mga mangangabayo na mula sa Mesopotamia, at mula sa Aram-maacha, at mula sa Soba. 7 Sa gayo'y nangupahan sila ng tatlongpu't dalawang libong karo, at sa hari sa Maacha at sa kaniyang bayan; na siyang pumaroon at humantong sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan mula sa kanilang mga bayan, at nagsiparoon upang makipagbaka. 8 At nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake. 9 At ang mga anak ni Ammon, ay nagsilabas, at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pintuan ng bayan: at ang mga hari na nagsiparoon ay nangagisa sa parang.