1 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amos ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong bahay; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay. 2 Nang magkagayo'y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi, 3 Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam. 4 At nangyari, bago si Isaias ay lumabas sa pinakaloob ng bayan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi, 5 Bumalik ka uli, at sabihin mo kay Ezechias na pangulo ng aking bayan. Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ni David na iyong magulang, Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka: sa ikatlong araw ay sasampa ka sa bahay ng Panginoon. 6 At aking idadagdag sa iyong mga kaarawan ay labing limang taon; at aking ililigtas ka at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria; at aking ipagsasanggalang ang bayang ito dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David. 7 At sinabi ni Isaias, Kayo'y magsikuha ng isang binilong igos. At kinuha nila at itinapal sa bukol at siya'y gumaling.
8 At sinabi ni Ezechias kay Isaias, Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw? 9 At sinabi ni Isaias, Ito ang magiging tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kaniyang sinalita: magpapauna ba ang anino ng sangpung grado, o magpapahuli ng sangpung grado? 10 At sumagot si Ezechias, Magaang bagay sa anino na kumiling ng sangpung grado: hindi, kundi pahulihin ang anino ng sangpung grado. 11 At si Isaias na propeta ay dumalangin sa Panginoon: at kaniyang pinapagpahuli ang anino ng sangpung grado, na nakababa na sa orasan ni Achaz.