Isaiah Prophesies Sennacherib's Fall

2 Kings 19

20 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.

21 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.

22 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga'y laban sa Isang Banal ng Israel. 23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay iyong pinulaan ang Panginoon, at sinabi mo, Sa karamihan ng aking mga karo ako'y nakaahon sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking ibubuwal ang mga matayog na sedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa kaniyang pinaka malayong tuluyan, sa gubat ng kaniyang mabungang bukid. 24 Ako'y humukay at uminom ng tubig ng iba, at aking tutuyuin ang lahat na ilog ng Egipto ng talampakan ng aking mga paa.

25 Hindi mo ba nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking iniakma ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guho na bunton. 26 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y gaya ng damo sa bukid, at ng sariwang gugulayin, na gaya ng damo sa mga bubungan, at gaya ng trigo na lanta bago nakalaki.

27 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong pag-iinit laban sa akin. 28 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kagilasan ay dumating sa aking mga pakinig, kaya't aking ikakawit ang aking taga sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at ibabalik kita sa daan na iyong pinanggalingan.

29 At ito ang magiging tanda sa iyo: ikaw ay kakain sa taong ito ng tumutubo sa sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghasik kayo, at umani, at mag-ubasan, at kanin ninyo ang bunga niyaon. 30 At ang nalabi na nakatanan sa mga anak ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas, 31 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Sion ay silang magtatanan: gaganapin ito ng sikap ng Panginoon.

32 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol sa hari sa Asiria. Siya'y hindi paririto sa bayang ito, o magpapahilagpos man ng pana riyan, ni haharap man siya riyan na may kalasag, o maghahagis man ng bunton laban doon. 33 Sa daang kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya darating sa bayang ito, sabi ng Panginoon. 34 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin at dahil sa aking lingkod na si David.

35 At nangyari, nang gabing yaon, na ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria ng isang daan at walong pu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay. 36 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon, at bumalik, at tumahan sa Ninive. 37 At nangyari, nang siya'y sumamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adramelech, at ni Saresar: at sila'y nagsitanan na patungo sa lupain ng Ararat. At si Esar-hadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Next Book Next Book