24 At ang hari sa Asiria ay nagdala ng mga tao na mula sa Babilonia, at sa Cutha, at sa Ava, at sa Hamath at sa Sepharvaim, at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria na kahalili ng mga anak ni Israel: at kanilang inari ang Samaria, at nagsitahan sa mga bayan niyaon. 25 At nagkagayon, sa pasimula ng kanilang pagtahan doon, na hindi sila nangatakot sa Panginoon: kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila, na pinatay ang ilan sa kanila. 26 Kaya't kanilang sinalita sa hari sa Asiria, na sinasabi, Ang mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga bayan ng Samaria, hindi nakaaalam ng paraan ng Dios sa lupain; kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at, narito, pinatay sila, sapagka't hindi sila nakakaalam ng paraan ng Dios sa lupain. 27 Nang magkagayo'y nagutos ang hari sa Asiria, na nagsasabi, Dalhin ninyo roon ang isa sa mga saserdote na inyong dinala mula roon; at inyong payaunin at patahanin doon, at turuan niya sila ng paraan ng Dios sa lupain. 28 Sa gayo'y isa sa mga saserdote na kanilang dinala mula sa Samaria ay naparoon at tumahan sa Beth-el, at tinuruan sila kung paanong sila'y marapat na matakot sa Panginoon.
29 Gayon ma'y bawa't bansa ay gumawa ng mga dios sa kanikaniyang sarili, at ipinaglalagay sa mga bahay sa mga mataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, na bawa't bansa ay sa kanilang mga bayan na kanilang tinatahanan. 30 At itinayo ng mga lalake sa Babilonia ang Succoth-benoth, at itinayo ng mga lalake sa Cutha ang Nergal, at itinayo ng mga lalake sa Hamath ang Asima, 31 At itinayo ng mga Avveo ang Nibhaz at ang Tharthac, at sinunog ng mga Sepharvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adrammelech at sa Anammelech, na mga dios ng Sefarvaim. 32 Sa gayo'y nangatakot sila sa Panginoon, at nagsipaghalal sila sa gitna nila ng mga saserdote sa mga mataas na dako, na siyang naghahain para sa kanila sa mga bahay, na nangasa mga mataas na dako. 33 Sila'y nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang sariling mga dios, ayon sa paraan ng mga bansa na kinadalhang bihag nila.
34 Hanggang sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating paraan: sila'y hindi nangatatakot sa Panginoon, o nagsisigawa man ng ayon sa kanilang mga palatuntunan, o ayon sa kanilang mga ayos, o ayon sa kautusan, o ayon sa utos na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kaniyang pinanganlang Israel, 35 Na siyang pinakipagtipanan ng Panginoon, at pinagbilinan na sinasabi, Kayo'y huwag mangatatakot sa ibang mga dios, o nagsisiyukod man sa kanila, o magsisipaglingkod man sa kanila, o magsisipaghain man sa kanila: 36 Kundi ang Panginoon, na nagahon sa inyo mula sa lupain ng Egipto na may dakilang kapangyarihan at may unat na kamay, siya ninyong katatakutan, at sa kaniya kayo magsisiyukod, at sa kaniya kayo magsisipaghain. 37 At ang mga palatuntunan, at ang mga ayos, at ang kautusan, at ang utos na kaniyang sinulat para sa inyo ay inyong isasagawa magpakailan man; at kayo'y huwag mangatatakot sa ibang mga dios: 38 At ang tipan na aking ipinakipagtipan sa inyo, huwag ninyong kalilimutan; ni mangatatakot man kayo sa ibang mga dios: 39 Nguni't sa Panginoon ninyong Dios ay mangatatakot kayo; at kaniyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway. 40 Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating paraan.
41 Sa gayo'y ang mga bansang ito ay nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang mga larawang inanyuan; ang kanilang mga anak ay gayon din, at ang mga anak ng kanilang mga anak, kung ano ang ginawa ng kanilang mga magulang ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.