7 At nagkagayon, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nangagkasala laban sa Panginoon nilang Dios, na siyang nagahon sa kanila mula sa lupain ng Egipto, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto, at sila'y natakot sa ibang mga dios. 8 At lumakad sa mga palatuntunan ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel, at ng mga hari ng Israel, na kanilang ginawa. 9 At ang mga anak ni Israel ay nagsigawa ng mga lihim na bagay na hindi matuwid sa Panginoon nilang Dios, at sila'y nagsipagtayo sa kanila ng mga mataas na dako sa lahat nilang bayan mula sa moog ng mga bantay hanggang sa bayang nakukutaan. 10 At sila'y nangagsipaglagay ng mga haligi na pinakaalaala at mga Asera sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng lahat na sariwang punong kahoy; 11 At doo'y nagsunog sila ng kamangyan sa lahat na mataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap nila; at nagsigawa ng masasamang bagay upang mungkahiin ang Panginoon sa galit; 12 At sila'y nagsipaglingkod sa mga diosdiosan, na siyang sa kanila ay sinabi ng Panginoon, Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito. 13 Gayon ma'y tumutol ang Panginoon sa Israel, at sa Juda, sa pamamagitan ng bawa't propeta, at ng bawa't tagakita, na sinasabi, Iwan ninyo ang inyong masasamang lakad, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga magulang, at aking ipinadala sa inyo, sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.
14 Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang pinatigas ang kanilang ulo, na gaya ng ulo ng kanilang mga magulang, na hindi nagsisampalataya sa Panginoon nilang Dios. 15 At kanilang itinakuwil ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang tipan na kaniyang itinipan sa kanilang mga magulang, at ang kaniyang mga patotoo na kaniyang ipinatotoo sa kanila; at sila'y nagsisunod sa walang kabuluhan, at naging walang kabuluhan, at nagsisunod sa mga bansa na nangasa palibot nila, ayon sa ibinilin ng Panginoon na huwag silang magsigawa ng gaya ng mga yaon. 16 At kanilang iniwan ang lahat na utos ng Panginoon nilang Dios, at nagsigawa ng mga larawang binubo, sa makatuwid baga'y ng dalawang guya, at nagsigawa ng isang Asera, at sinamba ang buong natatanaw sa langit, at nagsipaglingkod kay Baal. 17 At kanilang pinaraan ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy, at nagsihilig sa panghuhula at mga panggagaway, at nangapabili upang magsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit. 18 Kaya't ang Panginoon ay totoong nagalit sa Israel, at inalis sila sa kaniyang paningin: walang naiwan kundi ang lipi ni Juda lamang.
19 Hindi rin naman iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Dios, kundi nagsilakad sa mga palatuntunan ng Israel na kanilang ginawa. 20 At itinakuwil ng Panginoon ang buong binhi ng Israel, at pinighati sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kaniyang pinalayas sila sa kaniyang paningin.
21 Sapagka't kaniyang inihiwalay ang Israel sa sangbahayan ni David, at kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nabat: at pinahiwalay ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at pinapagkasala sila ng malaking kasalanan. 22 At ang mga anak ni Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ginawa; hindi nila hiniwalayan; 23 Hanggang sa inihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng kaniyang sinalita sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Gayon dinala ang Israel sa Asiria na mula sa kanilang sariling lupain, hanggang sa araw na ito.