14 Si Eliseo nga ay nagkasakit ng sakit na kaniyang ikinamatay: at binaba siya at iniyakan siya ni Joas na hari sa Israel, at nagsabi, Ama ko, ama ko, ang mga karo ng Israel at ang mga nangangabayo niyaon! 15 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Kumuha ka ng busog at mga pana: at siya'y kumuha ng busog at mga pana. 16 At sinabi niya sa hari sa Israel, Ilagay mo ang iyong kamay sa busog: at inilagay niya ang kaniyang kamay roon. At inilagay ni Eliseo ang kaniyang mga kamay sa mga kamay ng hari. 17 At kaniyang sinabi, Buksan mo ang dungawan sa dakong silanganan: at binuksan niya. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, Magpahilagpos ka: at siya'y nagpahilagpos. At kaniyang sinabi, Ang pana nga ng pagtatagumpay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang pana ng pagtatagumpay sa Siria: sapagka't iyong sasaktan ang mga taga Siria sa Aphec, hanggang sa iyong mangalipol. 18 At kaniyang sinabi, Tangnan mo ang mga pana: at tinangnan niya ang mga yaon. At sinabi niya sa hari sa Israel, Humampas ka sa lupa: at siya'y humampas na makaitlo, at tumigil. 19 At ang lalake ng Dios ay naginit sa kaniya, at nagsabi, Marapat nga sana na iyong hampasing makalima o makaanim; sinaktan mo nga sana ang Siria hanggang sa iyong nalipol: kaya't ngayo'y sasaktan mo ang Siria na makaitlo lamang.
20 At namatay si Eliseo, at kanilang inilibing siya. Ang mga pulutong nga ng mga Moabita ay nagsilusob sa lupain sa pagdating ng taon. 21 At nangyari, samantalang kanilang inililibing ang isang lalake, na, narito, kanilang natanaw ang isang pulutong; at kanilang inihagis ang lalake sa libingan ni Eliseo: at pagkasagi ng tao ng mga buto ni Eliseo, siya'y nabuhay uli, at tumayo sa kaniyang mga paa.
22 At pinighati ni Hazael na hari sa Siria ang Israel sa lahat ng kaarawan ni Joachaz. 23 Nguni't ang Panginoo'y naawa sa kanila at nahabag sa kanila, at kaniyang pinakundanganan sila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, at hindi nilipol sila o pinalayas man sila sa kaniyang harapan hanggang noon.
24 At si Hazael na hari sa Siria ay namatay; at si Ben-adad na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. 25 At inalis uli ni Joas na anak ni Joachaz sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael ang mga bayan na kaniyang inalis sa kamay ni Joachaz na kaniyang ama sa pakikipagdigma. Makaitlong sinaktan siya ni Joas, at binawi ang mga bayan ng Israel.