1 Nang ikadalawangpu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ochozias na hari sa Juda, nagpasimulang maghari si Joachaz na anak ni Jehu sa Israel sa Samaria, at nagharing labing pitong taon. 2 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; hindi niya hiniwalayan ang mga yaon. 3 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at palagi niyang ibinigay sila sa kamay ni Hazael na hari sa Siria, at sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael. 4 At si Joachaz ay dumalangin sa Panginoon, at dininig siya ng Panginoon: sapagka't nakita niya ang kapighatian ng Israel, kung paanong inapi sila ng hari sa Siria. 5 (At binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, na anopa't sila'y nagsilabas na mula sa kamay ng mga taga Siria: at ang mga anak ni Israel ay nagsitahan sa kanilang mga tolda, gaya ng dati. 6 Gayon ma'y hindi sila nagsihiwalay sa mga kasalanan ng sangbahayan ni Jeroboam, na ipinapagkasala sa Israel, kundi nilakaran nila: at nalabi ang Asera naman na Samaria). 7 Sapagka't hindi siya nagiwan kay Joachaz sa mga tao liban sa limangpung nangangabayo, at sangpung karo, at sangpung libong taong lakad; sapagka't nilipol sila ng hari sa Siria, at ginawa silang parang alabok sa giikan. 8 Ang iba nga sa mga gawa ni Joachaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel? 9 At si Joachaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria: at si Joas na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.