37 At ang bagay ay minabuti ng mga mata ni Faraon, at ng mga mata ng kaniyang mga lingkod. 38 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga lingkod, Makakasumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng espiritu ng Dios? 39 At sinabi ni Faraon kay Jose, Yamang ipinabatid sa iyo ng Dios: ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo: 40 Ikaw ay magpupuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay pamamahalaan mo ang aking buong bayan: sa luklukang hari lamang magiging mataas ako sa iyo. 41 At sinabi ni Faraon kay Jose, Tingnan mo, ikaw ay inilagay ko sa buong lupain ng Egipto. 42 At inalis ni Faraon sa kamay niya ang kaniyang tandang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuutan ng magandang lino at nilagyan siya ng isang kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg; 43 At siya'y pinasakay niya sa ikalawang karro na tinatangkilik ni Faraon at isinisigaw sa unahan niya. Lumuhod kayo: at inihalal siya na puno sa buong lupain ng Egipto. 44 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y si Faraon, at kung wala ka ay hindi magtataas ang sinomang tao ng kaniyang kamay o ng kaniyang paa sa buong lupain ng Egipto. 45 At pinanganlan ni Faraon si Jose na Zaphnath-paanea, at ibinigay na asawa sa kaniya si Asenath, na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. At lumabas si Jose, sa lupain ng Egipto.
46 At si Jose ay may tatlong pung taon nang tumayo sa harap ni Faraon na hari sa Egipto. At si Jose ay umalis sa harap ni Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Egipto. 47 At sa pitong taong sagana ay nagdulot ang lupa ng sagana. 48 At tinipon ni Jose ang lahat na pagkain sa pitong taon na tinamo sa lupain ng Egipto: at inimbak ang nangasabing pagkain sa mga bayan; na ang pagkain sa bukid na nasa palibot ng bawa't bayan ay inimbak sa bawa't kinauukulan ding bayan. 49 At si Jose ay nagkamalig ng trigo na parang buhangin sa dagat, na napakarami hanggang sa hindi nabilang; sapagka't walang bilang.
50 At bago dumating ang taong kagutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalake, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. 51 At tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagka't aniya'y, Ipinalimot ng Dios sa akin ang lahat ng aking kapagalan at ang buong bahay ng aking ama. 52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Ephraim: Sapagka't ako'y pinalago ng Dios sa lupain ng aking kadalamhatian.
53 At ang pitong taon ng kasaganaan na nagkaroon sa lupain ng Egipto ay natapos. 54 At ang pitong taon ng kagutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose: at nagkagutom sa lahat ng lupain; datapuwa't sa buong lupain ng Egipto ay may tinapay. 55 At nang ang buong lupain ng Egipto ay magutom, ay dumaing ng tinapay ang bayan kay Faraon: at sinabi ni Faraon sa lahat ng mga Egipcio, Pumaroon kayo kay Jose; ang kaniyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.
56 At ang kagutom ay nasa ibabaw ng buong lupa: at binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Egipcio; at lumala ang kagutom sa lupain ng Egipto. 57 At lahat ng mga taga ibang lupain ay nagsiparoon kay Jose upang magsibili ng trigo; sapagka't lumala ang kagutom sa buong lupa.