Joseph Interprets Pharaoh's Dreams

Genesis 41

1 At nangyari, sa katapusan ng dalawang taong ganap, na si Faraon ay nanaginip: at, narito, na siya'y nakatayo sa tabi ng ilog. 2 At, narito may nagsiahon sa ilog na pitong bakang magagandang anyo at matatabang laman; at nanginain sa talahiban. 3 At, narito, na ibang pitong baka, na nagsiahon sa ilog na nasa likuran nila, mga pangit na anyo, at payat; at nagsihinto roon sa tabi ng mga unang baka, sa tabi ng ilog. 4 At ang pitong bakang magagandang anyo at matataba, ay nilamon ng mga bakang pangit ang anyo at payat. Sa gayo'y nagising si Faraon. 5 At siya'y natulog at nanaginip na bilang ikalawa; at, narito may sumupling na pitong uhay na mabibintog at mabubuti, na may isa lamang tangkay. 6 At, narito, may pitong uhay na payat at tinutuyo ng hanging silanganan, na nagsitubong kasunod ng mga yaon. 7 At nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. At nagising si Faraon, at, narito, isang panaginip. 8 At nangyari, sa kinaumagahan, na ang kaniyang diwa ay nagulumihanan at siya'y nagsugo at kaniyang ipinatawag ang lahat ng mago sa Egipto, at ang lahat ng pantas doon: at isinaysay ni Faraon sa kanila ang kaniyang panaginip: datapuwa't walang makapagpaliwanag kay Faraon.

9 Nang magkagayo'y nagsalita ang puno ng mga katiwala kay Faraon, na sinasabi, Naaalaala ko sa araw na ito ang aking mga sala: 10 Nguni't si Faraon laban sa kaniyang mga alila, at ibinilanggo ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga magtitinapay. 11 At nanaginip kami ng panaginip sa isang gabi, ako at siya: kami ay kapuwa nanaginip ayon sa kapaliwanagan ng panaginip ng isa't isa sa amin. 12 At nandoong kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay; at siya naming pinagsaysayan, at kaniyang ipinaliwanag sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin. 13 At nangyari, na kung paano ang kaniyang pagkapaliwanag sa amin, ay nagkagayon; ako'y pinabalik sa aking katungkulan, at ipinabitin ang isa.

14 Nang magkagayo'y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, at siya'y inilabas na madalian sa bilangguan: siya'y nagahit at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon. 15 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo. 16 At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, Wala sa akin; Dios ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon. 17 At sinalita ni Faraon kay Jose, Sa aking panaginip ay narito, nakatayo ako sa tabi ng ilog: 18 At, narito, may nagsiahon sa ilog na pitong bakang matatabang laman at magagandang anyo, at nanginain sa talahiban: 19 At, narito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailan ma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Egipto ng ibang kawangis ng mga yaon sa kapangitan. 20 At kinain ng mga bakang payat at pangit, ang pitong nauunang bakang matataba: 21 At nang kanilang makain, ay hindi man lamang maalaman na sila'y kanilang nakain; kundi ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. Sa gayo'y nagising ako. 22 At nakakita ako sa aking panaginip, at, narito, pitong uhay ay tumataas sa isang tangkay, mapipintog at mabubuti. 23 At, narito, may pitong uhay na lanta, mga pipi at tinutuyo ng hanging silanganan na nagsitaas na kasunod ng mga yaon: 24 At nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabubuti: at aking isinaysay sa mga mago: datapuwa't walang makapagpahayag niyaon sa akin.

25 At sinabi ni Jose kay Faraon, Ang panaginip ni Faraon ay iisa; ang gagawin ng Dios ay ipinahayag kay Faraon: 26 Ang pitong bakang mabubuti ay pitong taon; at ang pitong uhay na mabubuti ay pitong taon; ang panaginip ay iisa. 27 At ang pitong bakang payat at mga pangit, na nagsiahong kasunod ng mga yaon ay pitong taon, at gayon din ang pitong uhay na tuyo, na pinapaspas ng hanging silanganan; kapuwa magiging pitong taong kagutom. 28 Iyan ang bagay na sinalita ko kay Faraon: ang gagawin ng Dios, ipinaalam kay Faraon. 29 Narito, dumarating ang pitong taong may malaking kasaganaan sa buong lupain ng Egipto; 30 At may dadating, pagkatapos ng mga iyan, na pitong taong kagutom; at malilimutan iyang buong kasaganaan sa lupain ng Egipto; at pupuksain ng kagutom ang lupain; 31 At ang kasaganaan ay hindi malalaman sa lupain, dahil sa kagutom na sumusunod; sapagka't magiging napakahigpit. 32 At kaya't pinagibayo ang panaginip kay Faraon na makalawa, ay sapagka't bagay na itinatag ng Dios, at papangyayarihing madali ng Dios. 33 Ngayon nga'y humanap si Faraon ng isang taong matalino at pantas, at ilagay sa lupain ng Egipto. 34 Gawing ganito ni Faraon, at maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, na paglimahing bahagi ang lupain ng Egipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan. 35 At kanilang tipunin ang lahat ng pagkain nitong mabubuting taon na dumarating, at magkamalig ng trigo sa kapangyarihan ng kamay ni Faraon, na pinakapagkain sa mga bayan at ingatan. 36 At ang pagkain ay kamaligin na itaan sa lupain sa pitong taong kagutom na mangyayari sa lupain ng Egipto; upang huwag mapuksa ang lupain sa kagutom.

Next Book Next Book