20 Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo. 21 At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita. 22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni't ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake. 23 Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim. 24 At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi. 25 At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka't kayo'y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni't huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim. 26 At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami. Nguni't walang tinig, o sinomang sumagot. At sila'y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa. 27 At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka't siya'y dios; siya nga'y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya'y natutulog, at marapat gisingin. 28 At sila'y nagsisigaw ng malakas, at sila'y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila. 29 At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila'y nanghula hanggang sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.
30 At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya. At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak. 31 At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan. 32 At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi. 33 At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy. 34 At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo. 35 At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay.
36 At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita. 37 Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw, na Panginoon, ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso. 38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay. 39 At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios. 40 At sinabi ni Elias sa kanila, Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag makatanan ang sinoman sa kanila. At kanilang dinakip sila: at sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Cison, at pinatay roon.