1 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias, sa ikatlong taon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, pakita ka kay Achab; at ako'y magpapaulan sa lupa. 2 At si Elias ay yumaon napakita kay Achab. At ang kagutom ay malala sa Samaria. 3 At tinawag ni Achab si Abdias na siyang katiwala sa bahay. (Si Abdias nga ay natatakot na mainam sa Panginoon: 4 Sapagka't nangyari, nang ihiwalay ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, na kumuha si Abdias ng isang daang propeta, at ikinubli na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig,) 5 At sinabi ni Achab kay Abdias, Lakarin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig, at hanggang sa lahat ng mga batis: marahil tayo'y makakasumpong ng damo, at maililigtas nating buhay ang mga kabayo at mga mula upang huwag tayong mawalan ng lahat na hayop. 6 Sa gayo'y pinaghati nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin: si Achab ay lumakad ng kaniyang sarili sa isang daan, at si Abdias ay lumakad ng kaniyang sarili sa isang daan.
7 At samantalang si Abdias ay nasa daan, narito, nasalubong siya ni Elias: at nakilala niya siya, at nagpatirapa, at nagsabi, Di ba ikaw, ang panginoon kong si Elias? 8 At siya'y sumagot sa kaniya, Ako nga: ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon, Narito, si Elias ay nandito. 9 At kaniyang sinabi, Sa ano ako nagkasala na iyong ibibigay ang iyong lingkod sa kamay ni Achab, upang patayin ako? 10 Buhay ang Panginoon mong Dios, walang bansa o kaharian man na hindi pinagpahanapan sa iyo ng aking panginoon: at pagka kanilang sinasabi, Siya'y wala rito, kaniyang pinasusumpa ang kaharian at bansa, na hindi kinasusumpungan sa iyo. 11 At ngayo'y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon, Narito, si Elias ay nandito. 12 At mangyayari, pagkahiwalay ko sa iyo na dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; na anopa't pagka ako'y pumaroon at isinaysay ko kay Achab, at ikaw ay hindi niya nasumpungan, papatayin niya ako: nguni't akong iyong lingkod ay natatakot sa Panginoon mula sa aking pagkabinata. 13 Hindi ba nasaysay sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, kung paanong nagkubli ako ng isang daan sa mga propeta ng Panginoon, na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig? 14 At ngayo'y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon. Narito, si Elias ay nandito; at papatayin niya ako. 15 At sinabi ni Elias, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y walang salang pakikita sa kaniya ngayon. 16 Sa gayo'y yumaon si Abdias upang salubungin si Achab, at sinaysay sa kaniya: at si Achab ay yumaon upang salubungin si Elias.
17 At nangyari, nang makita ni Achab si Elias, na sinabi ni Achab sa kaniya, Di ba ikaw, ang mangbabagabag sa Israel? 18 At siya'y sumagot, Hindi ko binagabag ang Israel; kundi ikaw, at ang sangbahayan ng iyong ama, sa inyong pagkapabaya ng mga utos ng Panginoon, at ikaw ay sumunod kay Baal. 19 Ngayon nga'y magsugo ka, at pisanin mo sa akin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni Baal na apat na raan at limangpu, at ang mga propeta ni Asera na apat na raan, na nagsikain sa dulang ni Jezabel.