1 At tumahan si Jacob sa lupaing pinangibahang lupain ng kaniyang ama, sa lupain ng Canaan.
2 Ito ang lahi ni Jacob. Si Jose, na may labing pitong taon, ay nagpapastol ng kawan na kasama ng kaniyang mga kapatid; at siya'y batang kasamahan ng mga anak ni Bilha at ng mga anak ni Zilpa, na mga asawa ng kaniyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila. 3 Minamahal nga ni Israel si Jose ng higit kay sa lahat niyang anak, sapagka't siya ang anak ng kaniyang katandaan: at siya'y iginawa ng isang tunika na may sarisaring kulay. 4 At nakita ng kaniyang mga kapatid na siya'y minamahal ng kanilang ama ng higit kay sa lahat niyang kapatid; at siya'y kinapootan, at hindi nila mapagsalitaan siya ng payapa.
5 At nanaginip si Jose ng isang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid: at lalo pa nilang kinapootan siya. 6 At sinabi niya sa kanila. Pakinggan ninyo, ipinamamanhik ko sa inyo, itong panaginip na aking napanaginip: 7 Sapagka't, narito, tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, at, narito, na tumindig ang aking bigkis, at tumuwid din naman at, narito, ang inyong mga bigkis ay napasa palibot at yumukod sa aking bigkis. 8 At sa kaniya'y sinabi ng kaniyang mga kapatid, Maghahari ka ba sa amin? o papapanginoon ka sa amin? At lalo pa siyang kinapootan nila dahil sa kaniyang mga panaginip at sa kaniyang mga salita.
9 At siya'y nanaginip pa ng ibang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid, at sinabi, Narito, ako'y nanaginip pa ng isang panaginip; at narito, na ang araw, at ang buwan at ang labing isang bituin ay yumukod sa akin. 10 At kaniyang isinaysay sa kaniyang ama at sa kaniyang mga kapatid; at sinaway siya ng kaniyang ama, at sa kaniya'y sinabi, Anong panaginip itong iyong napanaginip? Tunay bang ako at ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo? 11 At ang kaniyang mga kapatid ay nainggit sa kaniya: datapuwa't iningatan ng kaniyang ama ang salita sa pagiisip.