1 At tumahan si Jacob sa lupaing pinangibahang lupain ng kaniyang ama, sa lupain ng Canaan.
2 Ito ang lahi ni Jacob. Si Jose, na may labing pitong taon, ay nagpapastol ng kawan na kasama ng kaniyang mga kapatid; at siya'y batang kasamahan ng mga anak ni Bilha at ng mga anak ni Zilpa, na mga asawa ng kaniyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila. 3 Minamahal nga ni Israel si Jose ng higit kay sa lahat niyang anak, sapagka't siya ang anak ng kaniyang katandaan: at siya'y iginawa ng isang tunika na may sarisaring kulay. 4 At nakita ng kaniyang mga kapatid na siya'y minamahal ng kanilang ama ng higit kay sa lahat niyang kapatid; at siya'y kinapootan, at hindi nila mapagsalitaan siya ng payapa.
5 At nanaginip si Jose ng isang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid: at lalo pa nilang kinapootan siya. 6 At sinabi niya sa kanila. Pakinggan ninyo, ipinamamanhik ko sa inyo, itong panaginip na aking napanaginip: 7 Sapagka't, narito, tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, at, narito, na tumindig ang aking bigkis, at tumuwid din naman at, narito, ang inyong mga bigkis ay napasa palibot at yumukod sa aking bigkis. 8 At sa kaniya'y sinabi ng kaniyang mga kapatid, Maghahari ka ba sa amin? o papapanginoon ka sa amin? At lalo pa siyang kinapootan nila dahil sa kaniyang mga panaginip at sa kaniyang mga salita.
9 At siya'y nanaginip pa ng ibang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid, at sinabi, Narito, ako'y nanaginip pa ng isang panaginip; at narito, na ang araw, at ang buwan at ang labing isang bituin ay yumukod sa akin. 10 At kaniyang isinaysay sa kaniyang ama at sa kaniyang mga kapatid; at sinaway siya ng kaniyang ama, at sa kaniya'y sinabi, Anong panaginip itong iyong napanaginip? Tunay bang ako at ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo? 11 At ang kaniyang mga kapatid ay nainggit sa kaniya: datapuwa't iningatan ng kaniyang ama ang salita sa pagiisip.
12 At yumaon ang kaniyang mga kapatid upang magpastol ng kawan ng kanilang ama, sa Sichem. 13 At sinabi ni Israel kay Jose, Di ba nagpapastol ng kawan sa Sichem ang iyong mga kapatid? Halika, at uutusan kita sa kanila. At sinabi niya sa kaniya, Narito ako. 14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Yumaon ka, tingnan mo kung mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid, at kung mabuti ang lagay ng kawan; at balitaan mo ako. Gayon sinugo siya mula sa libis ng Hebron, at siya'y naparoon sa Sichem. 15 At nasumpungan siya ng isang tao, at, narito, na siya'y naggagala sa parang; at siya'y tinanong ng taong yaon, na sinasabi, Anong hinahanap mo? 16 At kaniyang sinabi, Hinahanap ko ang aking mga kapatid; ipinamamanhik ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol. 17 At sinabi ng tao, Nagsialis na sila: sapagka't narinig kong kanilang sinabi, Tayo na sa Dotan. At sinundan ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at nasumpungan niya sila sa Dotan.
18 At kanilang natanawan siya sa malayo, at bago nakalapit sa kanila ay nagbanta sila laban sa kaniya na siya'y patayin. 19 At nagsangusapan, Narito, dumarating itong mapanaginipin. 20 Halikayo ngayon, siya'y ating patayin, at siya'y ating itapon sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, Sinakmal siya ng isang masamang hayop: at ating makikita kung anong mangyayari sa kaniyang mga panaginip. 21 At narinig ni Ruben, at iniligtas siya sa kanilang kamay; at sinabi, Huwag nating kitlin ang kaniyang buhay. 22 At sinabi ni Ruben sa kanila, Huwag kayong magbubo ng dugo; itapon ninyo sa balong ito na nasa ilang, datapuwa't huwag ninyong pagbuhatan ng kamay; upang iligtas sa kanilang kamay ng mapabalik sa kaniyang ama. 23 At nangyari, nang dumating si Jose sa kaniyang mga kapatid, na hinubdan siya ng kaniyang tunika, ng tunikang may sarisaring kulay na kaniyang suot; 24 At kanilang sinunggaban, at kanilang itinapon sa balon: at ang balon ay tuyo, walang tubig.
25 At nagsiupo upang kumain ng tinapay, at kanilang itiningin ang kanilang mga mata at tumingin sila, at, narito, ang isang pulutong na mga Ismaelita na nagsisipanggaling sa Gilead sangpu ng kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, at mga balsamo, at mga mirra, na kanilang dadalhin sa Egipto. 26 At sinabi ni Juda sa kaniyang mga kapatid. Anong ating mapapakinabang kung ating patayin ang ating kapatid, at ilihim ang kaniyang dugo? 27 Halikayo, at atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; sapagka't siya'y ating kapatid, atin din laman. At dininig siya ng kaniyang mga kapatid. 28 At nagsisipagdaan ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang isinampa si Jose sa balon, at ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita ng dalawang pung putol na pilak. At dinala si Jose sa Egipto.
29 At nagbalik si Ruben sa balon; at, narito, na si Jose ay wala sa balon; at kaniyang hinapak ang kaniyang mga suot. 30 At siya'y nagbalik sa kaniyang mga kapatid, at kaniyang sinabi, Wala ang bata; at ako, saan ako paroroon? 31 At kanilang kinuha ang tunika ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang tunika sa dugo: 32 At kanilang ipinadala ang tunikang may sarisaring kulay, at dinala sa kanilang ama; at kanilang sinabi, Ito'y aming nasumpungan: kilalanin mo ngayon, kung tunika ng iyong anak o hindi. 33 At kaniyang kinilala, at sinabi, Siya ngang tunika ng aking anak; sinakmal siya ng isang masamang hayop; si Jose ay walang pagsalang nilapa. 34 At hinapak ni Jacob ang kaniyang mga suot, at kaniyang nilagyan ng magaspang na damit ang kaniyang mga balakang, at tinangisang maraming araw ang kaniyang anak. 35 At nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalake at babae upang siya'y aliwin; datapuwa't tumanggi siyang maaliw; at kaniyang sinabi, Sapagka't lulusong akong tumatangis sa aking anak hanggang sa Sheol. At tinangisan siya ng kaniyang ama. 36 At ipinagbili siya ng mga Midianita sa Egipto kay Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay.