The Deaths of Rachel and Isaac

Genesis 35

16 At sila'y naglakbay mula sa Bethel; at may kalayuan pa upang dumating sa Ephrata: at nagdamdam si Raquel, at siya'y naghihirap sa panganganak. 17 At nangyari, nang siya'y naghihirap sa panganganak, na sinabi sa kaniya ng hilot, Huwag kang matakot, sapagka't magkakaroon ka ng isa pang anak na lalake. 18 At nangyari, nang nalalagot ang kaniyang hininga (sapagka't namatay siya), ay kaniyang pinanganlang Benoni: datapuwa't pinanganlan ng kaniyang ama na Benjamin. 19 At namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Ephrata (na siyang Bethlehem). 20 At nagtayo si Jacob ng isang batong pinakaalaala sa ibabaw ng kaniyang libingan: na siyang batong pinakaalaala ng libingan ni Raquel hanggang ngayon. 21 At naglakbay si Israel at iniladlad ang kaniyang tolda sa dako pa roon ng moog ng Eder.

22 At nangyari, samantalang tumatahan si Israel sa lupaing yaon, na si Ruben ay yumaon at sumiping kay Bilha, na babae ng kaniyang ama; at ito'y nabalitaan ni Israel. Labing dalawa nga ang anak na lalake ni Jacob. 23 Ang mga anak ni Lea, ay: si Ruben, na panganay ni Jacob, at si Simeon, at si Levi, at si Juda at si Issachar, at si Zabulon. 24 Ang mga anak ni Raquel, ay: si Jose at si Benjamin: 25 At ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel, ay: si Dan at si Nephtali: 26 At ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea, ay: si Gad at si Aser: ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kaniya sa Padan-aram.

27 At naparoon si Jacob kay Isaac na kaniyang ama, sa Mamre, sa Kiriat-arba (na siyang Hebron), na doon tumahan si Abraham at si Isaac. 28 At ang mga naging araw ni Isaac ay isang daan at walong pung taon. 29 At nalagot ang hininga ni Isaac at namatay, at siya'y nalakip sa kaniyang bayan, matanda at puspos ng mga araw: at inilibing siya ng kaniyang mga anak na si Esau at si Jacob.

Next Book Next Book