1 At sinabi ng Dios kay Jacob, Tumindig ka, umahon ka sa Bethel, at tumahan ka roon; at gumawa ka roon ng isang dambana sa Dios na napakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa harap ng iyong kapatid na si Esau. 2 Nang magkagayo'y sinabi ni Jacob sa kaniyang sangbahayan, at sa lahat niyang kasama. Ihiwalay ninyo ang mga dios ng iba na nangasa inyo, at magpakalinis kayo, at magbago kayo ng inyong mga suot: 3 At tayo'y magsitindig at magsisampa tayo sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana sa Dios na sumagot sa akin sa araw ng aking kahapisan, at sumaakin sa daan na aking nilakaran. 4 At kanilang ibinigay kay Jacob ang lahat ng ibang pinaka dios na nasa kamay nila, at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago ni Jacob sa ilalim ng punong encina na malapit sa Sichem.
5 At sila'y naglakbay; at ang isang malaking sindak mula sa Dios ay sumabayan na nasa mga palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob. 6 Sa gayo'y naparoon si Jacob sa Luz, na nasa lupain ng Canaan (na siyang Bethel), siya at ang buong bayang kasama niya. 7 At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya ang dakong yaon na El-beth-el; sapagka't ang Dios ay napakita sa kaniya roon, nang siya'y tumatakas sa harap ng kaniyang kapatid. 8 At namatay si Debora na yaya ni Rebeca, at nalibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng encina, na ang pangalan ay tinawag na Allon-bacuth.
9 At ang Dios ay napakita uli kay Jacob, nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala. 10 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ang pangalan mo'y Jacob; ang pangalan mo'y hindi na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang itatawag sa iyo: at tinawag ang kaniyang pangalan na Israel. 11 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; ikaw ay lumago at dumami ka; isang bansa at isang kapisanan ng mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay lalabas sa iyong balakang; 12 At ang lupaing ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac, ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong lahi pagkamatay mo ay ibibigay ko ang lupain. 13 At ang Dios ay napailanglang mula sa tabi niya sa dakong pinakipagusapan sa kaniya. 14 At si Jacob ay nagtayo ng isang batong pinakaalaala sa dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios, haliging bato: at binuhusan niya ng isang inuming handog at binuhusan niya ng langis. 15 At tinawag ni Jacob na Bethel ang dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios.