19 Nang magkagayo'y sinabi ni Ahimaas na anak ni Sadoc, Patakbuhin mo ako ngayon, at magdala ng balita sa hari, kung paanong iginanti siya ng Panginoon sa kaniyang kaaway. 20 At sinabi ni Joab sa kaniya, Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito: kundi magdadala ka ng balita sa ibang araw: nguni't sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagka't ang anak ng hari ay namatay. 21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, Yumaon ka na saysayin mo sa hari kung ano ang iyong nakita. At ang Cusita ay yumukod kay Joab, at tumakbo. 22 Nang magkagayo'y nagsabi pa uli si Ahimaas na anak ni Sadoc kay Joab, Nguni't sa anomang kahinatnan, isinasamo ko sa iyo, na ako naman ay iyong patakbuhin na kasunod ng Cusita. At sinabi ni Joab, Bakit tatakbo ka, anak ko, dangang wala kang mapapala ng dahil sa balita? 23 Nguni't sa anomang kahinatnan, ako'y tatakbo. At sinabi niya sa kaniya, Tumakbo ka. Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaas sa daan ng kapatagan, at inunahan ang Cusita.
24 Si David nga ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan: at ang bantay ay sumampa sa ibabaw ng pintuang-bayan, sa kuta, at itinanaw ang kaniyang mga mata, at tumingin, at narito, isang lalake ay tumatakbong nagiisa. 25 At sumigaw ang bantay, at isinaysay sa hari. At sinabi ng hari, Kung siya'y nagiisa, may balita sa kaniyang bibig. At siya'y nagpatuloy at lumapit. 26 At ang bantay ay nakakita ng ibang lalake na tumatakbo at tinawag ng bantay ang tanod-pinto, at sinabi, Narito, may ibang lalake na tumatakbong nagiisa. At sinabi ng hari, Siya'y may dala ring balita. 27 At sinabi ng bantay, Inaakala ko na ang takbo ng una ay gaya ng takbo ni Ahimaas na anak ni Sadoc. At sinabi ng hari, Siya'y mabuting lalake at napariritong may mabuting balita.
28 At tumawag si Ahimaas at nagsabi sa hari, Lahat ay mabuti. At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, Purihin ang Panginoon mong Dios, na nagbigay ng mga lalaking nagsipagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoon na hari. 29 At sinabi ng hari, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot si Ahimaas. Nang suguin ni Joab, ang lingkod ng hari, sa makatuwid baga'y ako na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking pagkakagulo, nguni't hindi ko nalalaman kung ano. 30 At sinabi ng hari, Pumihit ka, at tumayo ka rito. At siya'y pumihit at tumayo.