16 At nang kaniyang mailusong, narito, sila'y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nagiinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda. 17 At sinaktan ni David sila mula sa pagtatakip silim hanggang sa paglubog ng araw sa sumunod na araw: at walang taong nakatanan sa kanila liban sa apat na raang bataan na nakasakay sa mga kamelyo at tumakas. 18 At binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kaniyang dalawang asawa. 19 At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalake o babae man, kahit samsam man, kahit anomang bagay na nakuha nila sa kanila: ibinalik na lahat ni David. 20 At kinuha ni David ang lahat ng kawan at bakahan, na kanilang dinala na nasa unahan niyaong mga ibang hayop, at sinabi, Ito'y samsam ni David.
21 At naparoon si David sa dalawang daang lalake, na totoong mga pata na hindi nangakasunod kay David, na kanila namang pinatahan sa batis ng Besor; at sila'y lumabas upang salubungin si David, at upang salubungin ang mga taong kasama niya: at nang lumapit si David sa bayan, siya'y bumati sa kanila. 22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka't hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa't lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon. 23 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Huwag ninyong gagawing gayon, mga kapatid ko, sa ibinigay sa atin ng Panginoon, na siyang nagadya sa atin, at nagbigay sa ating kamay ng pulutong na naparito laban sa atin. 24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? sapagka't kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila'y paraparang magkakabahagi. 25 At nagkagayon, na mula sa araw na yaon, na siya'y gumawa ng isang palatuntunan at ayos sa Israel, hanggang sa araw na ito.
26 At nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng mga samsam sa mga matanda sa Juda, sa makatuwid baga'y sa kaniyang mga kaibigan, na sinasabi, Narito, ang isang kaloob sa inyo na mula sa samsam sa mga kaaway ng Panginoon; 27 Sa kanila na nasa Beth-el, at sa kanila na nasa Ramoth ng Timugan, at sa kanila na nasa Jathir; 28 At sa kanila na nasa Aroer, at sa kanila na nasa Siphmoth, at sa kanila na nasa Esthemoa; 29 At sa kanila na nasa Rachal, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Jerameelita, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Cineo; 30 At sa kanila na sa Horma, at sa kanila na nasa Chorasan, at sa kanila na nasa Athach; 31 At sa kanila na nasa Hebron, at sa lahat na dako na karaniwang pinaroroonan ni David at ng kaniyang mga lalake.