15 At nakita ni David na lumalabas si Saul upang usigin ang kaniyang buhay: at si David ay nasa ilang ng Ziph sa gubat. 16 At si Jonathan na anak ni Saul ay bumangon, at naparoon kay David sa gubat, at pinagtibay ang kaniyang kamay sa Dios. 17 At sinabi niya sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama; at ikaw ay magiging hari sa Israel, at ako'y magiging pangalawa mo; at nalalamang gayon ni Saul na aking ama. 18 At silang dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon: at si David ay tumahan sa gubat, at si Jonathan ay umuwi sa kaniyang bahay.
19 Nang magkagayo'y inahon ng mga Zipheo si Saul, sa Gabaa, na sinasabi, Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga katibayan sa gubat, sa burol ng Hachila, na nasa timugan ng ilang? 20 Ngayon nga, Oh hari, lumusong ka, ayon sa buong adhika ng iyong kalooban na lumusong; at ang aming bahagi ay ibibigay sa kamay ng hari. 21 At sinabi ni Saul, Pagpalain nawa kayo ng Panginoon; sapagka't kayo'y nahabag sa akin. 22 Kayo'y yumaon, isinasamo ko sa inyo, inyong turuling maigi, at alamin at tingnan ang kaniyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kaniya roon: sapagka't nasaysay sa akin na siya'y nagpapakatalino. 23 Inyo ngang tingnan, at alamin ang mga kublihang dako na kaniyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may katunayan, at ako'y paroroong kasama ninyo: at mangyayari, kung siya'y nasa lupain, ay aking sisiyasatin siya sa gitna ng lahat ng mga libolibo sa Juda.
24 At sila'y tumindig at naparoon sa Ziph na nagpauna kay Saul: nguni't si David at ang kaniyang mga tao ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timugan ng ilang. 25 At si Saul at ang kaniyang mga tao ay naparoon upang pag-usigin siya. At kanilang sinaysay kay David: kaya't siya'y lumusong sa burol na bato at tumahan sa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kaniyang hinabol si David sa ilang ng Maon. 26 At naparoon si Saul sa dakong ito ng bundok, at si David at ang kaniyang mga tao ay sa dakong yaon ng bundok: at si David ay nagmadaling umalis dahil sa takot kay Saul; sapagka't kinukubkob ni Saul at ng kaniyang mga tao si David at ang kaniyang mga tao upang sila'y hulihin. 27 Nguni't dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, Magmadali ka at parito ka; sapagka't ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain. 28 Sa gayo'y bumalik si Saul na mula sa paghabol kay David, at naparoon laban sa mga Filisteo: kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Sela-hammahlecoth. 29 At si David ay umahon mula roon, at tumahan sa mga katibayan ng En-gaddi.