14 Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay bumagabag sa kaniya. 15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo. 16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti. 17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya. 18 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Bethlehemita, na bihasa sa panunugtog, at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, at ang Panginoon ay sumasa kaniya. 19 Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa. 20 At kumuha si Isai ng isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak. 21 At dumating si David kay Saul at tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya. 22 At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin. 23 At nangyari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.