25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain. 26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo. 27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo. 28 At kaniyang sinabi, Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo. 29 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin. 30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay? 31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan. 32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: at siyang magiging aking kaupahan. 33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw. 34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi. 35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak; 36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.
37 At kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga. 38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom. 39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis. 40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban. 41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga. 42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob. 43 At ang lalake ay lumagong mainam; at nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.