31 At nakita ng Panginoon na si Lea ay kinapopootan niya, at binuksan ang kaniyang bahay-bata; datapuwa't si Raquel ay baog. 32 At naglihi si Lea, at nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Ruben; sapagka't kaniyang sinabi, Sapagka't nilingap ng Panginoon ang aking kapighatian; dahil sa ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa. 33 At naglihi uli, at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Sapagka't narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan ay ibinigay rin naman sa akin ito: at pinanganlan niyang Simeon. 34 At naglihi uli at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Ngayo'y masasama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalake: kaya't pinanganlan niyang Levi. 35 At muling naglihi at nanganak ng isang lalake, at nagsabi, Ngayo'y aking pupurihin ang Panginoon: kaya't pinanganlang Juda; at hindi na nanganak.
1 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako! 2 At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata? 3 At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya. 4 At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob. 5 At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake. 6 At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan. 7 At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob. 8 At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.
9 Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob. 10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob. 11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad. 12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob. 13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.
14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak. 15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak. 16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon. 17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak. 18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.
19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob. 20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon. 21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.
22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata. 23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko: 24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.