1 At si Ana ay nanalangin, at nagsabi: Nagagalak ang aking puso sa Panginoon; Ang aking sungay ay pinalaki ng Panginoon; Binigyan ako ng bibig sa aking mga kaaway; Sapagka't ako'y nagagalak sa iyong pagliligtas.
2 Walang banal na gaya ng Panginoon; Sapagka't walang iba liban sa iyo, Ni may bato mang gaya ng aming Dios. 3 Huwag na kayong magsalita ng totoong kapalaluan; Huwag mabuka ang kahambugan sa inyong bibig; Sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kaalaman, At sa pamamagitan niya'y sinusukat ang mga kilos. 4 Ang mga busog ng mga makapangyarihang tao ay nasisira; At yaong nangatisod ay nabibigkisan ng kalakasan. 5 Yaong mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay; At yaong mga gutom ay hindi na gutom: Oo, ang baog ay nanganak ng pito; At yaong may maraming anak ay nanghihina. 6 Ang Panginoo'y pumapatay, at bumubuhay: Siya ang nagbababa sa Sheol, at nagsasampa. 7 Ang Panginoo'y nagpapadukha at nagpapayaman: Siya ang nagpapababa, at siya rin naman ang nagpapataas. 8 Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, Kaniyang itinataas ang mapagkailangan mula sa dumihan, Upang sila'y palukluking kasama ng mga prinsipe, At magmana ng luklukan ng kaluwalhatian: Sapagka't ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon, At kaniyang ipinatong ang sanglibutan sa kanila.
9 Kaniyang iingatan ang mga paa ng kaniyang mga banal; Nguni't ang masama ay patatahimikin sa mga kadiliman; Sapagka't sa pamamagitan ng kalakasan ay walang lalaking mananaig. 10 Yaong makipagkaalit sa Panginoon ay malalansag; Laban sa kanila'y kukulog siya mula sa langit: Ang Panginoon ang huhukom sa mga wakas ng lupa; At bibigyan niya ng kalakasan ang kaniyang hari, At palalakihin ang sungay ng kaniyang pinahiran ng langis.
11 At si Elcana ay umuwi sa Ramatha sa kaniyang bahay. At ang bata'y nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli na saserdote.