1 At si Abimelech na anak ni Jerobaal ay napasa Sichem, sa mga kapatid ng kaniyang ina, at nagsalita sa kanila, at sa lahat ng angkan ng sangbahayan ng ama ng kaniyang ina, na nagsasabi, 2 Isinasamo ko sa inyo na inyong salitain sa mga pakinig ng lahat ng mga lalake sa Sichem, Kung ano ang magaling sa inyo, na lahat na anak ni Jerobaal na pitong pung lalake ay magpuno sa inyo, o isa ang magpuno sa inyo? alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.
3 At tungkol sa kaniya ay sinalita ng mga kapatid ng ina niya, sa mga pakinig ng lahat ng mga lalake sa Sichem ang lahat ng mga salitang ito at ang kanilang puso ay kumiling na sumunod kay Abimelech, sapagka't kanilang sinabi, Siya'y ating kapatid. 4 At nagbigay sila ng pitong pung putol na pilak, mula sa bahay ng Baal-berith, na siyang iniupa ni Abimelech sa mga taong hampas lupa at mga palaboy, na siyang mga sumunod sa kaniya. 5 At siya'y naparoon sa bahay ng kaniyang ama sa Ophra, at pinatay ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Jerobaal, na pitong pung katao, sa ibabaw ng isang bato: nguni't si Jotham na bunsong anak ni Jerobaal ay nalabi; sapagka't siya'y nagtago. 6 At lahat ng mga lalake sa Sichem ay nagpupulong at ang buong sangbahayan ni Millo, at yumaon at ginawang hari si Abimelech sa tabi ng encina ng haliging nasa Sichem.
7 At nang kanilang saysayin kay Jotham, siya'y yumaon at tumayo sa taluktok ng bundok Gerizim, at inilakas ang kaniyang tinig, at sumigaw, at sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga lalake sa Sichem, upang dinggin kayo ng Dios. 8 Ang mga puno ng kahoy ay naghalal ng hari na minsan; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, Maghari ka sa amin. 9 Nguni't sinabi ng puno ng olibo sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katabaan, na siyang sa akin ay nakapagpaparangal sa Dios at sa tao, at makipagindayunan sa mga puno ng kahoy? 10 At sinabi ng mga punong kahoy sa puno ng igos, Halika, at maghari ka sa amin. 11 Nguni't sinabi ng puno ng igos sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katamisan, at ang aking mabuting bunga, at yayaong makipagindayunan sa mga puno ng kahoy? 12 At sinabi ng mga puno ng kahoy sa puno ng ubas, Halika, at maghari ka sa amin. 13 At sinabi ng puno ng ubas sa kanila, Akin bang iiwan ang aking alak, na nagpapasaya sa Dios at sa tao, at yayaong makipagindayunan sa mga puno ng kahoy? 14 Nang magkagayo'y sinabi ng lahat ng mga puno ng kahoy sa dawag, Halika, at maghari ka sa amin. 15 At sinabi ng dawag sa mga puno ng kahoy, Kung tunay na ako'y inyong inihahalal na hari ninyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim: at kung hindi ay labasan ng apoy ang dawag at pugnawin ang mga sedro ng Libano.
16 Ngayon nga'y kung tapat at matuwid mong ginawang hari si Abimelech, at kung gumawa kayo ng mabuti kay Jerobaal at sa kaniyang sangbahayan, at kayo'y gumawa sa kaniya ng ayon sa marapat sa kaniyang mga kamay; 17 (Sapagka't ipinakipaglaban kayo ng aking ama at inihadlang ang kaniyang buhay, at pinapaging laya kayo sa kamay ni Madian: 18 At kayo'y bumangon laban sa sangbahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kaniyang mga anak, na pitong pung lalake, sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelech, na anak ng kaniyang aliping babae, sa mga lalake sa Sichem, sapagka't siya'y inyong kapatid;) 19 Kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerobaal at sa kaniyang sangbahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelech at magalak naman siya sa inyo: 20 Nguni't kung hindi ay labasan ng apoy si Abimelech, at pugnawin ang mga lalake sa Sichem, at ang sangbahayan ni Millo, at labasan ng apoy ang mga lalake sa Sichem, at ang sangbahayan ni Millo, at pugnawin si Abimelech. 21 At si Jotham ay tumakbong umalis, at tumakas, at napasa Beer, at tumahan doon, dahil sa takot kay Abimelech na kaniyang kapatid.