1 Si Josue nga'y matanda at puspos ng mga taon; at sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay matanda at puspos ng mga taon, at may nalalabi pang totoong maraming lupain na aariin. 2 Ito ang lupain na nalalabi pa: ang lahat na lupain ng mga Filisteo, at ang lahat na Gessureo: 3 Mula sa Sihor na nasa tapat ng Egipto, hanggang sa hangganan ng Accaron na dakong hilagaan, na nabilang sa mga Cananeo: ang limang pangulo ng mga Filisteo, ang mga Gazeo, ang mga Asdodeo, ang mga Ascaloneo, ang mga Getheo, ang mga Accaronneo; gayon din ang mga Heveo, 4 Sa dakong timugan: ang lahat na lupain ng mga Cananeo, at ang Mehara, na nauukol sa mga Sidonio hanggang sa Aphec, na hangganan ng mga Amorrheo; 5 At ang lupain ng mga Gebalita at ang buong Libano, sa dakong sinisikatan ng araw, mula sa Baal-gad, sa ibaba ng bundok Hermon hanggang sa pasukan sa Hamat: 6 Ang lahat ng taga lupaing maburol mula sa Libano hanggang sa Misrephoth-maim, sa makatuwid baga'y lahat ng mga Sidonio; sila'y aking itataboy mula sa harap ng mga anak ni Israel: iyo lamang bahagihin sa Israel na pinakamana, gaya ng iniutos ko sa iyo. 7 Iyo ngang bahagihin ang lupaing ito na pinakamana sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi ni Manases.