Clean and Unclean Food

Deuteronomy 14

1 Kayo'y mga anak ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong magkukudlit, ni magpapakakalbo sa pagitan ng inyong mga mata, ng dahil sa patay. 2 Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.

3 Huwag kang kakain ng anomang karumaldumal na bagay. 4 Ito ang mga hayop na inyong makakain: ang baka, ang tupa, at ang kambing, 5 Ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mabangis na kambing, at ang pigargo, at ang antilope, at ang gamuza. 6 At bawa't hayop na may hati ang paa, at baak, at ngumunguya sa mga hayop, ay inyong makakain. 7 Gayon ma'y ang mga ito ay hindi kakanin sa mga ngumunguya, o sa baak ang paa: ang kamelyo, at ang liebre, at ang coneho, sapagka't sila'y ngumunguya, nguni't walang hati ang paa; mga marumi sa inyo; 8 At ang baboy, sapagka't may hating paa, nguni't hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo: ang laman nila'y huwag ninyong kakanin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin.

9 At ang mga ito'y inyong makakain sa lahat ng nasa tubig: anomang may mga kaliskis at mga palikpik, ay inyong makakain: 10 At anomang walang kaliskis at palikpik, ay huwag ninyong kakanin; marumi nga ito sa inyo.

11 Sa lahat ng ibong malinis ay makakakain kayo. 12 Nguni't ang mga ito'y hindi ninyo makakain: ang aguila, at ang aguilang dumudurog ng mga buto, at ang aguilang dagat; 13 At ang ixio, at ang halkon, at ang lawin ayon sa kaniyang pagkalawin; 14 At lahat na uwak ayon sa kanilang pagkauwak; 15 At ang avestruz, at ang chotacabras, at ang graviota, at ang lawin ayon sa kaniyang pagkalawin; 16 Ang munting kuwago, at ang malaking kuwago, at ang kuwagong tila may sungay; 17 At ang pelikano, at ang buitre, at ang somormuho; 18 At ang ciguena at ang tagak, ayon sa kanilang pagkatagak; at ang abubilla, at ang kabagkabag. 19 At lahat ng may pakpak na umuusad, ay marumi sa inyo: hindi kakanin. 20 Sa lahat ng ibong malinis ay kayo'y makakakain.

21 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na namatay sa sarili: iyong maibibigay sa taga ibang bayang nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang kaniyang kanin; o iyong maipagbibili sa taga ibang bayan: sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kaniyang ina.

Next Book Next Book