Idolatry Forbidden

Deuteronomy 4

15 Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy: 16 Baka kayo'y mangagpakasama, at kayo'y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalake o babae, 17 Na kahawig ng anomang hayop na nasa lupa, na kahawig ng anomang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid, 18 Na kahawig ng anomang bagay na umuusad sa lupa, na kahawig ng anomang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa: 19 At baka iyong itingin ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw at ang buwan, at ang mga bituin, sangpu ng buong natatanaw sa langit, ay mabuyo ka at iyong sambahin, at paglingkuran, na binahagi ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng mga bayan na nasa silong ng buong langit. 20 Nguni't kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, sa Egipto, upang kayo'y maging sa kaniya'y isang bayang mana, gaya sa araw na ito. 21 Bukod dito'y nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyo, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing yaon, na ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyo na pinakamana: 22 Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan: nguni't kayo'y tatawid, at inyong aariin ang mabuting lupaing yaon. 23 Mangagingat nga kayo, baka inyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang pinagtibay sa inyo, at kayo'y gumawa ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Dios. 24 Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay isang apoy na mamumugnaw, mapanibughuing Dios nga.

25 Pagka ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagluwat kayo ng malaon sa lupaing yaon, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Dios, upang mungkahiin ninyo siya sa kagalitan: 26 Ay aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, na kayo'y malilipol na madali na walang pagsala sa lupain na inyong tinutungo ng pagdadaan sa Jordan, upang ariin: hindi ninyo mapatatagal doon ang inyong mga araw, kundi kayo'y lubos na malilipol. 27 At pangangalatin kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y malalabing kaunti sa bilang sa gitna ng mga bansa, na pagdadalhan sa inyo ng Panginoon. 28 At doo'y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakakain, ni nangakakaamoy. 29 Nguni't mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at iyong masusumpungan, kung iyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa. 30 Pagka ikaw ay nasa kapighatian, at ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik loob ka sa Panginoon mong Dios, at iyong didinggin ang kaniyang tinig. 31 Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios; hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na kaniyang isinumpa sa kanila.

Next Book Next Book