1 At ngayon, Oh Israel, dinggin mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan, na aking itinuturo sa inyo, upang sundin ninyo; upang kayo'y mabuhay, at pumasok, at inyong ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang. 2 Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong maingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo. 3 Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor, sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo. 4 Nguni't kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa't isa sa inyo sa araw na ito. 5 Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. 6 Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan. 7 Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa kaniya? 8 At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito?
9 Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak; 10 Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak. 11 At kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman. 12 At ang Panginoo'y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni't wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig. 13 At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga'y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato. 14 At iniutos sa akin ng Panginoon nang panahong yaon, na turuan ko kayo ng mga palatuntunan at mga kahatulan, upang inyong mangagawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin.